Ipinahayag na ni Vice President Jejomar C. Binay ang kanyang matagal nang saloobin hinggil sa mga kaganapan sa bansa sa siang impromptu open forum matapos magtalumpati sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE)-Accredited National Convention of Public Attorneys na idinaos sa makasaysayang Manila Hotel. Ito ang pinakainamniyang ginawa sa pagkakataong iyon.
Sa loob ng ilang taon mula nang mahalal siya kasabay ni Pangulong Aquino noong 2010, mahusay niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin sa administrasyon bilang housing czar at bilang special presidential adviser on Overseas Filipino Workers (OFW) concerns. Isa siya sa mga orihinal na tagasuporta ni Pangulong Corazon C. Aquino at malapit sa pamilya Aquino. Gayong hindi naman siya kaanib sa Liberal Party (LP) ticket na kabilang si Pangulong Noynoy, isinama siya ng Pangulo sa kanyang gabinete.
Ang larawang ito ng kooperasyon at pagkakaisa ay biglang lumiko ilang linggo lamang ang nakalilipas nang simulang batikusin ng ilang leader ng LP si Binay at inakusahan siyang nagkamal ng mga ari-arian na higit pa sa kanyang kapasidad na bumili sa sinasahod niya sa gobyerno. Binuksan ng isang Senate Blue Ribbon sub-committee ang isang opisyal na imbestigasyon ng umano’y overpricing sa konstruksiyon ng isang Makati building noong manungkulan si Binay bilang mayor maraming taon na ang nakararaan.
Sumali ang iba pang opisyal. Tinalakay ng ilang miyembro ng Kamara de Representantes ang posibleng impeachment kay Binay ngunit agad itong tinanggihan ng iba na nagsabing hindi siya maaaring ma-impeach bilang Bise Presidente sapagkat ang mga akusasyon laban sa kanya ay kaugnay ng kanyang termino bilang mayor. Sumali ang Department of Justice (DOJ) sa pagpapahayag na hindi immune ang Bise Presidente sa imbestigasyon at prosekusyon.
Makaraan ang maraming buwan ng mahigpit na kooperasyon ng administrasyong Aquino at ni Vice President Binay, bakit biglang bumuhos ang mga akusasyon? Ang malamang na sagot ay malapit na ang 2016 elections at malaki ang kalamangan ni Binay sa rating na 41% support sa survey noong Hunyo sa mga presidentiable at ang posibleng pambato ng LP na si Mar Roxas, ay nasa malayong huli.
Sandaling pinaglaruan ng mga leader ng LP ang ideya ng pagtakbo ni Pangulong Aquino para sa pangalawang termino ngunit itinumba ang ideyang ito ng isang survey. Maghahanap lamang ang LP ng iba pang kandidato liban kay Pangulong Aquino at kailangang bawasan ang malaking pangunguna ni Binay sa survey. Kaya biglang lumutang ang litanya ng mga akusasyon, at ang pinakahuli ay itong umano’y Hacienda Binay sa Batangas.
Sa loob ng mahabang panahon, mahusay na naglingkod si Binay sa administrasyon. Kung nagkaroon siya ng kritikal na pananaw sa ilang polisiya at hakbang ng administrasyon, iniwasan niyang ipahayag iyon sa publiko. Noong isang araw, gayunman, nagpasya siyang magsalita hinggil sa ilang bagay na matagal nang bumabagabag sa kanya. Hiniling niya sa kapwa niya abogado na kung sa isip nila ay patas ang pagtrato ng administrasyon kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Aniya, sa pakiramdam niya, may bias laban sa mga leader ng oposisyon sa pagtrato ng mga kaso sa Priority Development Assistance Fund o pork barrel. Nagsalita siya laban sa Disbursement Acceleration Program.
Ang susunod na mangyayari ay ispekulasyon. Gagawa ba ng hakbang ngayon ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng DOJ? Paano maaapektuhan nito ang kanyang kapalaran bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2016? Ang masasabi lang natin sa puntong ito ay ginawa na ni Binay ang pinakamainam sa mga pagkakataong ito – ang magsalita nang lantaran hinggil sa mga paniniwala at nararamdaman niya sa mga kaganapan sa bansa ngayon. Ngayon, kailangan niyang maghanda para sa pagbuhos ng batikos na tiyak na darating.