“I have no hidden wealth.”

Ito ang sinabi kahapon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa mga mamamahayag tungkol sa natuklasan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na mayroon siyang hindi maipaliwanag na yaman.

“Sa larangan ng pagkita, bilang Bong Revilla, isa rin naman akong masasabi natin na siguro one of the highest-paid actors ng ating bansa, hindi sa pagyayabang,” sabi ni Revilla.

Ipinaliwanag na “bata pa lang ako [ay] kumikita na ako ng malaking pera” kaya naman tiniyak ng senador na “lahat ng kinita namin, lahat ‘yan legal, walang illegal.”

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Sa inyo po’ng lahat [na] mga kababayan, wala po kaming tinatago. Lalabas at lalabas po ang katotohanan,” sinabi ni Revilla at muling iginiit na ang lahat ng pinagdaraanan niya ngayon ay pawang dahil lang sa pulitika at ang paglilitis sa kanya sa pamamagitan na ng publicity.

Sa testimonya kamakailan ni Bank Officer 2 Atty. Leigh Vhon Santos, imbestigador ng AMLC Secretariat, sinabi niya sa Sandiganbayan First Division na sa pagitan ng Abril 2006 hanggang Abril 2010 ay napakaraming naideposito sa mga account ng senador at ng kanyang pamilya na umaabot sa mahigit P87.6 milyon. Sinabi ni Santos na ang bawat deposito ay nangyari sa loob ng 30 araw matapos ang nakasaad na mga petsa sa ledger ng whistleblower na si Benhur Luy nang tanggapin umano ni Atty. Richard Cambe ang pera para kay Revilla.

Sinabi pa ni Santos na natuklasan din ng AMLC na nang nabunyag ang tungkol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam noong 2013 ay isinara ni Revilla ang 20 bank account at mga investment nito sa pagitan ng Hunyo at Setyembre 2013.