Ni SAMUEL MEDENILLA

Hinimok ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga overseas Filipino worker (OFW) noong Lunes na iwasan ang anumang bagong alok na trabaho mula sa mga bansa sa West Africa na tinamaan ng Ebola.

Naglabas si Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ng babala sa mga bagong tanggap na OFWs na umaasang makapagtatrabaho sa Guinea, Liberia, at Sierra Leone. Ang mga bansang ito ay kasalukuyang nasa crisis alert level 2 o restriction phase dahil sa kanilang tumataas na kaso ng Ebola Virus Disease (EVD).

Sa ilalim ng restriction phase, tanging ang mga pabalik na OFWs o ang mga may umiiral na kontrata ang pahihintulutang magtungo sa isang tinukoy na bansa.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ni Baldoz na nangangahulugan ito na ang lahat ng bagong pagkakataong makapagtrabaho sa mga nabanggit na bansa sa Africa ay itinuturing na illegal.

“They should not take the risk anymore of entertaining such offers because we have an existing deployment ban in those countries. This means their papers will not be legally processed by the Philippine Overseas Employment Administration (POEA),” ani Baldoz.

“If they entertain such offers, they will just run the risk of being victimized by illegal recruiters,” dagdag niya.

Inilabas niya ang pahayag sa gitna ng mga ulat na ang mga bansang apektado ng Ebola ay umapela sa pandaigdigang komunidad upang magpadala ng karagdagang manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan dahil patuloy na nahahawaan ng EVD ang mas maraming tao sa kanilang lugar.

Nauna nang sinabi ng gobyerno ng Pilipinas na pinag-iisipan pa nito kung magpapadala ng isang medical team upang makatulong sa mga pasyenteng may EVD.