Ni MADEL SABATER-NAMIT

Hindi pa rin tuluyang naglalaho sa isipan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang ideya ng ikalawang termino o muling pagkandidatong presidente sa Mayo 2016.

Base sa paliwanag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang naging pahayag ng Pangulo sa panayam ng media sa Bali, Indonesia ay maaari pang magdesisyon ang 18 porsiyentong “undecided” na respondent sa isang survey kamakailan, at pumabor sa muli niyang pagkandidatong pangulo.

“Tingin ko hinimay lang ng Pangulo doon sa interview ‘yung mga numbers na lumabas recently,” pahayag ni Valte.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Klinaro din niya na parang ‘sandali ha, hindi ibig sabihin ay interesado na ako, o hindi ibig sabihin gagawin ko ito.’ Pero pino-point lang niya ‘yung mga numero, ‘yung difference, kasi nga ‘nung nanalo ang Pangulo noong 2010 nasa 42 percent ‘yon,” giit ni Valte.

Lumitaw sa huling survey ng Pulse Asia sa usapin ng charter change, na mayorya o 62 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing hindi sila pabor na baguhin ang Konstitusyon habang 20 porsiyento ang pabor.

Labingwalong porsiyento naman ang hindi nakapagdesisyon sa isyu, ayon sa survey.

Subalit sinabi ni PNoy sa media sa isang kapihan sa Bali: “Kung makakukuha ako ng 13 porsiyento? Ito ay nangangahulugang ito’y absolute majority. Hindi mahirap makuha ‘yan.”

Ito ay sa kabila ng resulta ng Pulse Asia survey na nagsabing 62 porsiyento o anim sa bawat 10 Pinoy ang hindi pabor na pagtakbo uli ni Aquino para sa ikalawang termino sa 2016.