Ni CHARISSA M. LUCI
Sa halip na manawagan para sa pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Benigno S. Aquino III, dapat na tutukan ng mga lider ng Simbahang Katoliko ang pagpapatag sa moralidad ng mga Pilipino, ayon sa isang mataas na opisyal ng Kongreso.
Sinabi kahapon ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., na pinuno ng National Unity Party (NUP), na ang panawagan ng multi-sectoral na National Transformation Council (NTC) na bumaba sa puwesto si Pangulong Aquino at bumuo ng isang “alternative” na gobyerno ay walang “political and legal basis.”
“Dapat na mas tutukan na lang nila ang pagpapatatag ng moral fiber ng mga Katoliko at lahat ng mamamayan sa Pilipinas kaysa manawagan ng resignation ng Presidente,” sinabi ni Barzaga sa panayam ng DzBB.
“Political or legal, walang sapat na basehan ang panawagan ng National Transformation Council para magbitiw sa posisyon ang ating Pangulo. Nakikita naman siguro natin ang ginagawa ng ating Pangulo, kahit na dalawang taon na lamang ang natitira sa term (niya), mataas pa ang kanyang public approval rating na normally ay hindi na nakakakuha ng ganyang kataas ang sitting president,” paliwanag ni Barzaga.
Matatandaang iginiit ng NTC, sa pangunguna nina Archbishop Ramon Arguelles ng Lipa, Bishop Emeritus Fernando Capalla ng Davao City, at Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal, na nawalan na ang Pangulo ng moral ascendancy upang pamunuan ang bansa, alinsunod sa “Lipa and Cebu Declarations: Defining the first steps towards national transformation.”
Kaisa rin sa nasabing panawagan ang mga lider ng mga evangelical church, mga Muslim cleric at civil society.
Tinawag ni Barzaga ang panawagan ng NTC na “unconstitutional” dahil “they do not want to follow the rule on succession provided for under the Constitution.” Pero nilinaw na wala namang kasong kriminalidad sa nasabing panawagan.
“Sa tingin ko wala pang criminal case. It’s just a matter of expression. It’s just expressing their feelings. But the danger is, we are a Roman Catholic country at maraming naniniwala na devoted Catholics sa sinasabi ng ating mga obispo,” ani Barzaga.
“As public officials, we should hear all comments whether good or bad for us to examine kung tama o mali ang ating policy. But not to the extent of asking the resignation and establishing a new government which is not in accordance with the Constitution. I think the demand is too much,” sabi pa ni Barzaga.