GENERAL SANTOS CITY – Nag-aambag ang bawat kawani ng lokal na pamahalaan ng General Santos City ng P10 buwan-buwan upang makapagpagawa ng mga silid-aralan para sa mga pampublikong paaralan sa siyudad.

Hinimok ni Mayor Ronnel Rivera ang bawat isa sa 4,000 kawani ng city hall na mag-donate ng P10 bawat buwan para sa pagpapagawa ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralang elementarya at sekundarya.

Inilunsad ng pamahalaang lungsod sa unang bahagi ng taong ito ang “Sampung Piso Ko, Klasrum Mo” sa pakikipagtulungan ng General Santos City Government Employees Association (GSCGEA).

Sinabi ni Rivera na sa pamamagitan ng proyekto at matutugunan ang mahigit 300 kulang na silid-aralan sa mga pampublikong eskuwelahan sa siyudad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nito lang Oktubre 3 ay pinasinayaan ni Rivera at ng iba pang lokal na opisyal ng siyudad ang isang bagong silid-aralan sa Calumpang High School na ginastusan ng mga donasyon ng mga kawani ng pamahalaang lungsod.

Ang nasabing make-shift classroom ay nagkakahalaga ng P110,000.

Mula Pebrero hanggang Hulyo ng taong ito ay nakakolekta ang GSCGEA ng P78,000 donasyon mula sa mga kawani ng pamahalaang lungsod habang nag-donate naman ang alkalde ng P40,000. - Joseph Jubelag