Ni Rey G. Panaligan
Kabilang ang isang bulag na nagtapos ng abogasya sa 6,344 na kukuha ng 2014 bar examinations simula ngayong Linggo sa University of Santo Tomas sa Maynila.
Tutulungan si Cristopher L. Yumang, nagtapos sa University of Baguio, ng isang stenographer na itinalaga sa kanya ng office of the clerk of court ng Korte Suprema, ayon kay Bar Confidant Ma. Cristina B. Layusa.
Sinabi ni Layusa na gagawin ni Yumang ang pagsusulit sa satellite clinic ng examination building.
Aniya, ang mga tanong sa pagsusulit ay babasahin ng stenographer kay Yumang, na ididikta naman ang kanyang sagot.
Sinabi ni Layusa na ito ang unang beses na magsasagawa ang Supreme Court (SC) ng bar examinations sa isang bulag simula 2001, nang magsilbi siyang bar confidant.
Sa unang pagkakataon din, simula nang isagawa ng SC ang bar examinations may 113 taon na ang nakalilipas, ay gagamit ang SC ng bar codes sa examination booklets na may corresponding stickers ng mga pangalan ng mga magsusulit batay sa kanilang upuan.
Aniya, pinalitan ng bar codes ang name cards para sa mga examinee “[to] protect the integrity of the examination results.”
“This will modernize the conduct of the exams and will also make the process of checking, encoding and decoding the examination booklets faster and more secure,” aniya.
Una nang pinaigting ng SC ang seguridad sa bar examinations sa apat na magkakasunod na Linggo hanggang sa Oktubre 26.