MAAARING nangangarap ka na dumating na ang araw upang huminto ka na sa pagtatrabaho sapagkat nakaipon ka na ng sapat upang mabuhay nang maginhawa. Siguro nagnanais kang maging painter o musician o gusto mong libutin ang buong mundo upang makita ang kariktang alok ng iba’t ibang bansa; at marami pang iba. Maaari ring mayroon kang partikular na hilig o interes na nais gawin ngunit may isa pang problema – kailangan mo pa ring magbayad ng inuupahan mong bahay.
Tulad ko at marami sa atin ang tumutupad araw-araw ng tungkulin sa trabaho habang inaatupag ang iba pang interes. Maaari ngang hindi ito magtatagal ngunit iyon na ang ginagawa natin. At kung wala ka namang trabaho, maaari namang marami kang interes sa iyong buhay na kailangan mong balansihin upang magawa ang bawat isa.
Paano ka magkakaroon ng lakas upang magawa mo ang lahat ng gusto mong gawin?
- Pisikal – Malaki ang inaambag ng pisikal mong lakas sa kung gaano karami ang gusto mong magasa. Ang pag-aalaga ng iyong katawan ay makatutulong sa pagsunod sa lahat ng iyong inaasinta. Upang mapanatiling mataas ang level ng iyong pisikal na lakas, kailangan mong mag-focus sa pagtulog, tamang pagkain, at exercise.
- Pagtulog – Ako man ay inaamin ko ito. Marami sa atin ang natutulog lampas alas dose ng hatinggabi o gumigising nang sobrang maaga upang maraming magawang bagay – hanggang maramdaman nating para na tayong mga zombie sa susunod na araw, pinipilit kumikilos kahit inaantok. Mahalaga ang pagtulog upang matamo ang pinakamataas na energy level.
- Tamang pagkain – Talagang matutukso kang uminom ng maraming kape at kumain ng matamis upang magkaroon ng lakas sa buong araw. Hindi nakatutulong ang mga ito sa energy level mo (o kahit na sa iyong kalusugan). Alam mo na ang ilang pamamaraan sa malusog na pagkain: maraming prutas at gulay, uminom ng maraming tubig, kaunting protein, high-fiber na pagkain, at kaunting sugar o fat.