Sa kanyang sagot sa katanungan ng isang estudyante sa Boston University sa US, walang kagatulgatol na ipinahiwatig ni Presidente Aquino na dapat ding kasuhan ang kanyang mga kaalyado kung may mga ebidensiya laban sa kanila. Ang reaksiyon ng Pangulo ay bunsod ng mga pag-uusisa hinggil sa sinasabing kaliwa’t kanang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno na umano’y nandambong ng salapi ng bayan. At bilang reaksiyon pa rin sa tanong ng naturang mga mag-aaral, wala ring kagatul-gatol na sinabi ng Pangulo na walang sinasanto – kaalyado man o hindi sa pulitika – ang kanyang administrasyon kaugnay ng kampanya laban sa mga katiwalian.

Bilang patunay, binanggit niya sina Grace Padaca ng Commission on Elections (Comelec) at General Manager Nerius Acosta ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na parehong sinibak sa puwesto dahil marahil sa pagwawalang-bahala sa mga simulain ng Pangulo. Ang dalawang nabanggit ay masugid na tagapagtaguyod ng Liberal Party.

Kasunod ng nabanggit na mga reaksiyon, wala ring kagatul-gatol na ibinandera ng Pangulo ang pagkakakulong sa mga haligi ng oposisyon na nasangkot sa iba’t ibang alingasngas. Kabilang sa mga ito, halimbawa, sina dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na hanggang ngayon ay nakapiit sa Veterans Memorial Hospital (VMMH) dahil sa kinakaharap niyang plunder case. Sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., Senador Jinggoy Estrada ay nakakulong na rin sa Camp Crame custodial center. Kabilang din ang iba pang opisyal ng gobyerno na nakapiit na rin dahil sa pagkakadawit sa pandarambong kaugnay ng milyun-milyong pisong Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP). Kasalukuyang nililitis sa Ombudsman at Sandiganbayan ang kanilang mga kaso. Sa bahaging ito, maitatanong: Mayroon bang mga kaalyado ng administrasyon ang nagdurusa na rin sa mga detention centers at sa iba pang bilangguan? Totoo, may mga sinampahan na rin ng mga plunder cases. Hindi ko lang matiyak kung umuusad na rin ang kanilang mga kaso. Ang susunod na mga yugto ang susubaybayan ng sambayanan. Ito ang magiging barometro ng kanilang pagtimbang sa tunay na kampanya laban sa mga katiwalian.
National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso