Sisimulan na ng Department of Health (DoH) sa Nobyembre ang pamamahagi ng mga libreng artificial contraceptive.

Ito ay bilang paghahanda sa implementasyon ng Reproductive Health (RH) law.

Nilinaw naman ni Health Undersecretary Janette Garin na ang mga artificial contraceptive na ipamamahagi ay sertipikado ng Food and Drugs Administration (FDA) bilang non-abortifacient.

Ayon kay Garin, hinihintay na lang nila ang paglalabas ng sertipikasyon ng FDA upang masimulan ang distribusyon ng mga artificial contraceptive sa mga nangangailangan nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Posible aniyang ang mga birth control pill at contraceptive implant ang ilan sa mga unang batch na makakukuha ng FDA certification.

Abril nang ideklara ng Korte Suprema na constitutional o naaayon sa batas ang RA 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012.

Inatasan din ng kataas-taasang hukuman ang FDA na tukuyin kung ang isang partikular na hormonal contraceptive o intrauterine device ay ligtas at non-abortifacient.

Sinabi naman ni Garin na hindi lahat ng artificial contraceptives na ginagamit sa bansa ay sesertipikahang non-abortifacient.