Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) sa publiko laban sa mga lard oil product na sinasabing kontaminado ng mga recycled waste oil.
Ang babala ng FDA ay kasunod ng paglalabas ng Taiwan FDA sa listahan ng mga food company na bumili ng naturang lard oil products mula sa cooking oil manufacturer na Chang Guann Co. sa Taiwan.
Batay sa FDA-No. 2014-068 na pirmado ni FDA Acting Director General Kenneth Hartigan-Go, bilang precautionary measure ay kaagad namang nag-cross check ang FDA ng Pilipinas sa database nito mula sa listahan ng TFDA.
Batay sa record, walang rehistradong lard oil sa bansa na nasa listahan ng TFDA, pero natuklasan na ilang FDA-registered products mula sa mga lisensiyadong distributor/importer ng mga kumpanyang nasa Taiwan ang nasa listahan ng TFDA, kabilang ang Wei Chuan Foods Corporation, Haw Di-I Foods Co. Ltd., Ve Wong Corp., at Sheng Hsiang Jen Foods Co.
Kabilang sa mga naturang produkto ang Mua Yu Sesame Oil, Bullhead Barbecue Sauce, Bullhead Hot & Spicy Barbecue Sauce, Wei Chuan Pickled Bamboo Shoots Strips in Chili Oil, Wei Chuan Pickled Bamboo Shoots, at Wei Chuan Canned Taus Eel.