GENERAL SANTOS CITY – Isinusulong ng Pinoy boxing champion na si Sarangani Rep. Emmanuel “Manny” Pacquiao ang pagtatatag ng isang bagong munisipalidad sa Sarangani na bubuuin ng 11 barangay mula sa bayan ng Malungon.

Nagkasundo sina Pacquiao at Flor Limpin, provincial director ng Department of Interior and Local Government (DILG), na bumuo ng technical working group na mangangasiwa sa pagsusumite ng mga kinakailangang requirement para sa paglikha ng panukala sa pagtatatag ng isang bagong munisipalidad sa Sarangani na aaprubahan ng Kongreso.

Sinabi ni Limpin na una nang hiniling nina Malungon Mayor Reynaldo Constantino at Vice Mayor Erwin Asgapo kay Pacquiao na isulong ang agad na pagpapasa ng panukalang lilikha sa munisipalidad ng Malandag, na bubuuin ng mga barangay ng Malandag, Datal Tampal, Altae, Alkikan, Kibala, Malabod, Blaan, Datal Batong, Datal Bila, Consolacion at Nagpan.

Aniya, nangako si Pacquiao na maglalaan ng P3 milyon sa pagsasagawa ng plebisito. - Joseph Jubelag

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho