Umaabot na sa 44 na porsiyento ng target na bilang ng mga bata ang nabakunahan ng Department of Health (DoH) laban sa tigdas at polio sa ikalawang linggo ng kampanyang Ligtas sa Tigdas ng kagawaran.
Gayunman, aminado si DoJ Undersecretary Janette Loreto Garin na may ilang lugar na nangangailangan ng “extra effort” upang maabot ang kanilang target.
Batay sa record ng DoH, kabilang sa 10 nangungunang probinsiya, na nasa 54-64 porsiyento ng kabataan ang nabakunahan laban sa tigdas ang Batanes, Bataan, Cagayan, Davao Oriental, Biliran, Zambales, Nueva Vizcaya, Apayao, Ifugao, at Ilocos Sur.
Ang top ten provinces naman na nakapagbakuna ng 53-68 porsiyento ng mga bata laban sa polio ay ang Batanes, Biliran, Bataan, Davao Oriental, Cagayan, Nueva Vizcaya, Zambales, Apayao, Ifugao at Quezon.
Kabilang sa mga lungsod na nasa 63- 84 porsiyento ang measles immunization rate ang Isabela, Calamba, Gingoog, Meycauyan, Balanga, Urdaneta, Angeles, Pagadian, Valencia, at San Carlos habang ang top ten cities sa oral polio immunization na may 60-78 percent rate ay ang Isabela, Gingoog, Meycauyan, Balanga, Angeles, Urdaneta, Valencia, Pagadian, Calamba, at San Juan.
Sa National Capital Region (NCR), ang top performing cities na may measles immunization rate na 47- 62 percent ay San Juan, Navotas, Caloocan, Las Piñas, at Valenzuela, habang kabilang naman sa top five sa polio immunization na 47-60 porsiyento ang San Juan, Las Piñas, Caloocan, Navotas, at Pateros.
Ang 20 lalawigan na nangangailangan ng mas agresibong kampanya sa measles at polio immunization ay ang Tawi-Tawi, Maguindanao, Basilan, Sulu, Mindoro Oriental, Palawan, Dinagat Island, Bohol, Camarines Norte, Leyte, Ilocos Norte, Catanduanes, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Surigao del Norte, Aklan, Surigao del Sur, Cebu, Siquijor, La Union at Albay.
Sa NCR, ang mga lugar na kinakailangang magsumikap pa para maabot ang kanilang goal sa pagbabakuna ay ang Maynila, Muntinlupa, Makati, Pasay, at Malabon.