Nagtataka si Senator Nancy Binay kung bakit inilipat ng Department of Communications and Transportations (DOTC) ang P4.5 bilyon na dapat sana ay pambili ng bagon ng Metro Rail Transit (MRT) sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Aniya, hindi sana magkakaroon ng problema ang MRT kung naibigay ang pondo.

“In 2012, the DOTC surrendered P4.5 billion allocated for purchasing additional cars for the MRT to the DAP. And as it seems, ito rin ang perang napunta para sa impeachment ni former Chief Justice Renato Corona. Sa ngayon, dilat ang mga mata ng mga commuter ng MRT dahil biglang naglaho ang pera na sana ay nagamit para ayusin ang serbisyo ng MRT,” paliwanag ni Binay.

Batay sa dokumento na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), lumabas na ang P4.5 bilyong alokasyon para sa MRT na dapat pambili ng tren ay ibinalik ng DOTC sa DBM para naman sa dagdag na pondo sa DAP.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi rin ni Binay na hindi puwedeng ikatwiran ni DOTC Secretary Emilio Abaya na mayroong desisyon ang Korte Suprema na nagdeklarang ilegal ang ilang bahagi ng DAP, dahil ang kailangan niya lamang na gawin ay humingi ng permiso sa DBM.

“Napakaraming aberya po ang hinaharap ng mga pasahero ng MRT. Iyong mahahabang pila bago pa man makakuha ng ticket, iyong sabi nga na hindi na malasardinas kungdi mala-corned beef na ang siksikan sa loob ng tren. Tapos malalaman po natin na may nagawa na pala sana ang DOTC kung ginastos lamang nila sa MRT iyong P4.5 billion,” giit pa ni Binay. - Leonel Abasola