Sa kasagsagan ng preparasyon sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 15 ng susunod na taon, laging nangingibabaw ang kanyang pagiging mapagpakumbaba. ang katangiang ito ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko ang lagi namang bumabalandra sa ilang sektor ng ating mga kababayan, lalo na sa ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno na mapagkunwari,mapagsamantala at hubad sa maganda at wastong paguugali.
Kamakailan lamang, nasaksihan si Pope Francis na pumipila sa pagkuha ng kakainin sa isang karinderya. Maliwanag na nais niyang ipamalas ang pagkakapantaypantay ng katulad niyang nilikha ng Panginoon. tila hindi niya alintana ang sasabihin ng mahigit na isang bilyong Katoliko sa daigdig; kampante siya maging sa kanyang seguridad. Bigla kong naalala ang pagtatangka sa buhay ng isang Papa, maraming taon na ang nakalilipas.
Simple ang sasakyang ginamit ni Pope Francis sa kanyang mga misyon sa Vatican at maging sa iba pang panig ng mundo. Sa kanyang pagbisita sa South Korea, halimbawa, isang maliit na Korean-made car lamang ang kanyang sinakyan. Sa kanyang nalalapit na pagbisita sa bansa, may mga mungkahi na ipagamit sa kanya ang popular na Philippine jeepney bilang ‘popemobile’. Marahil, ito ay labis na ikagagalak ng ating Papa. at bilang pagpapamalas pa rin ng kanyang kababaang-loob, higit na hinahangad ni Pope Francis na dalawin ang mga biktima ng kalamidad sa Visayas na nangangailangan ng makataong pagpapahalaga. isang makabuluhang mensahe ang taglay ng Pope: itinataas o dinadakila ang mapagpakumbaba. ang ganitong mga eksena ay taliwas naman sa ating mga nasasaksihan sa lipunan. Sa kongreso, halimbawa, hindi ba ang ilan sa ating mga mambabatas ay tila nagpapayabangan sa paggamit ng mamahaling kotse at sila ay hindi makikitang pumipila sa mga karinderya kundi sa mga 5-star restaurant. Ang ganitong eksena ay may kaakibat na pagsasamantala at hubad sa pagpapakumbaba, lalo na sa pagtulong sa mahihirap. Hindi sila nararapat sa nabanggit na makatuturang mensahe.