Mananatiling isa sa mga suspek sa Dacer-Corbito double murder case si dating Police Supt. Cezar Mancao matapos ibasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon niya na ipawalang-bisa ang kaso laban sa kanya.

Sa anim na pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Eduardo Peralta, ibinasura ng Court of Appeals-Ninth Division ang petisyon ni Mancao na baligtarin ang unang desisyon ng Manila City Regional Trial Court (RTC) Branch 84 na nagbabasura sa inihain niyang demurrer to evidence.

Ang demurrer to evidence ay mosyon na humihiling na ideklara ng korte na kulang ang ebidensiya na karaniwang ginagamit bilang option ng isang akusado sa ilalim ng Section 23, Rule 119 ng 2000 Rules on Criminal Procedure.

Layunin nitong mapabilis ang criminal proceeding base sa teorya na ang paghaharap ng ebidensiya ng isang akusado ay pag-aaksaya lang ng oras.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“In light of the cold text of the caveat in the last paragraph of Section 23, Rule 119, to the effect that the denial of the motion to file the demurrer or the demurrer itself will be legally impermissible prior to judgment. We were constrained to decline any further exegesis on the adequacy of the People’s evidence. Necessarily, rejection of the current petition for certiorari will be the logical consequence,” saad sa desisyon ng appellate court.

Iginiit ng CA na una nang dinesisyunan ng Korte Suprema na ibasura ang demurrer to evidence na inihain ng prosekusyon at kung sapat na ito upang makumbinse ang korte na ang akusado ay “guilty beyond reasonable doubt” ay nakadepende sa magiging desisyon ng trial court.

Ang publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Manuel Corbito ay pinatay ng umano’y mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) noong Nobyembre 2000. - Leonardo D. Postrado