BALIK sa landas ng kaunlaran ang Pilipinas sa itinala nitong 6.4% Gross Domestic Product (GDP) na paglago sa second quarter ng taon, na tumaas mula sa 5.4% sa first quarter. Hindi ito kasintaas ng naitala sa second quarter ng nakaraang taon na 7.9% ngunit mas mainam ito kaysa mga pagtaya ng 6.16% na tinuring ng ilang analyst, dahil sa problema sa mga daungan sa Manila na tumama sa mga negosyo noong Hunyo.

Mahalaga ring malaman na ang paglago sa second quarter ay pinangunahan ng agriculture, manufacturing, at exports. Nakapagtipid din ng gastos ang gobyerno bunga ng mga suliraning administratibo na naresolba noong Hunyo, habang naapektuhan naman ang mga pagawaing bayan ng kontrobersiya sa paglulustay umano sa stimulus program ng gobyerno.

Kapansin-pansin ang pagsikad ng agrikultura. Mula sa .2% na pag-urong noong nakaraang taon, nagtala ang agrikultura ng paglago ng 3.6%, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na ang paglago ng ekonomiya ay pasisiglahin ng government spending sa huling kalahati ng taon dahil sa agarang rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.

Ang inaasintang paglago sa buong taon ay mula 6.5 hanggang 7.5%. Mas mababa naman ang pagtaya ng International Monetary Fund at ng World Bank, ngunit tiwala ang ating gobyerno na matatamaan nito ang target. Nakalatag na ang mga proyekto ng gobyerno. Maliban sa talagang masasamang panahon, inaasahan ang masaganang ani sa susunod na mga buwan. Maliban din sa di inaasahang brownout, aarangkada rin ang mga industriya.

Mayroon pa ring reklamo na habang positibo ang GDP figures, hindi pa rin nararamdaman ang paglago ng masa sa ilalim ng economic pyramid. Ang tinatawag na trickle-down effect ay wala roon. Sa halip na magkaroon ng trickle down sa paglago ng ekonomiya, kailangang magkaroon ang gobyerno ng mga programa na ang direktang makikinabang ay ang mga mamamayang nasa ilalim. May nagmungkahi rin na kailangang paigtingin pa ang sektor ng agrikultura sapagkat naroon ang karamihan ng populasyon – ang maralita ng bansa – na umaasa sa kanilang ikabubuhay.