Nag-resign ang isang employee sa korporasyong aking pinaglilingkuran dahil natuklasan na hindi pala ito totoong may malawak na karanasan sa posisyong kanyang tinatanganan. Ito rin ang hinala ng kanyang mga superyor kung kaya dumarami na ang kapalpakan sa trabaho nito. Dahil doon, sumasagi rin sa aking isipan na ilan kaya sa aking kapwa manggagawa ang nagsinungaling sa kanilang credentials upang matamo niila ang posisyong kanilang nais. May aamin naman kaya na pinaganda nila ang kanilang personal na dokumento upang palitawin na dinaluhan nila ang maraming seminar at training kung kaya karapat-dapat silang iluklok sa susunod na antas ng kanilang propesyon?

Sa kaibuturan ng ating pagkatao, naroon marahil ang pagnanasang magdagdag ng palamuti upang mapaniwala at mapahanga ang iba. Maging sa resumé o sa simpleng pakikipag-usap, natural na lamang ang magmalaki o ang magsinugnaling – ngunit pagbabayaran din natin ito nang malaki dakong huli.

Minsan, ang katiting na kasinungalingan ay lumalaki habang iniiwasan natin na matuklasan ito ng iba. At pagkatapos, saka tayo magtataka kung bakit sinuong natin ang malalang problema na ating nilikha. Sinabi sa Mabuting Aklat: “Huwag magsinungaling sa isa’t isa; yamang hinubad ninyo ang dating pagkatao pati na ang kanyang mga gawa, at kayo ay nangagbihis ng bagong pagkatao na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.” Sa madaling salita, kung nananampalataya tayo kay Jesus, ang pagsisinungaling ay salungat sa inaasahan ng Diyos sa atin. Ang pangontra sa lason ng pagmamalaki ay ang pagiging katulad ni Jesus – taglay ang pagiging maawain, pagpapakumbaba, mapagtiis, mapagpatawad, at mapagmahal.

Kung tunay tayong maglilingkod para sa ating kapwa at sa ating kapakanan, hindi natin kailangang pahangain sila sa anumang paraan. Kung ikaw ay matapat, hindi mo kailangang lumingon sa iyong likuran.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente