Ipinagdiriwang ng Malaysia ang kanilang ika-57 taon ng Kalayaan na tinatawag nilang Hari Merdeka ngayong Agosto 31, sa temang “Malaysia, Disini Lahirnya Sebuah Cinta” (Malaysia, Kung Saan Lumalago ang Pag-ibig). Ginugunita ngayon ang araw nang makamtan ng Federation of Malaya ang kasarinlan nito mula sa British colonial rule noong 1957.
Ang kanilang Pambansang Araw ay isang pangunahing kapistahan at idinaraos bilang isang pista opisyal sa Malaysia, na may mga parada, pagtatanghal sa publiko, at fireworks sa Merdeka Square sa Kuala Lumpur kung saan ang Kanilang Kamahalan na sina Yang di-Pertuan Agong Tuanku Abdul Halim Mu’adzam Shah at Raja Permaisuri Agong Tuanku Hajah Haminah (ang Hari at Reyna) at Prime Minister Dato’ Seri Najib Tun Razak ay naroon upang sumaksi. Ang kanilang pambansang awit na Negaraku ay itinutugtog ng isang banda ng militar, at pagkatapos, iniinspeksiyo ng Hari ang Honor Guard. Nagmamartsa ang mga mamamayan sa harap ng Hari at Reyna, prime minister, mga ministro, panauhing pandangal, at iba pang manonood.
Itinataas ang bandila ng Malaysia o ang Jalur Gemilang (Malay para sa “Stripes of Glory)”) sa mga gusali ng gobyerno at kalakalan, sa mga lansangan, sa mga tahanan at sasakyan. Kada taon, isang human graphic display ng Jalur Gemilang ang binubuo sa parage grounds. Mayroong class-decorating, essay-writing, at poetry contests, at photo exhibits sa mga pampublikong paaralan. Nagdaraos din ng mga parada exhibition, at kompetisyon sa iba’t ibang estado sa Malaysia.
Ayon sa kasaysayan, si Tunku Abdul Rahman Putra Al-Haj ang unang Prime Minister ng Malaysia na namuno sa isang delegasyon ng mga ministro, mga political at business leader sa pakikipagnegosasyon sa mga British official sa London para sa kalayaan ng Malaysia. Nagkaroon ng kasunduan noong Pebrero 8, 1956, ngunit ang opisyal na deklarasyon ay isinagawa sa sumunod na taon. Noong Agosto 31, 1957, si Prime Minister Tunku, dahil sa kanyang papel sa pakikibaka para sa kalayaan, ay tinawag na Bapa Malaysia (Ama ng Malaysia), nanguna sa pagpapabawa ng Union Jack, ang bandila ng Britain, at pagtataas ng bandila ng Malaysia habang pinatutugtog ang Negaraku sa Royal Selangor Club Padang (Merdeka Square ngayon).
Ang pagbabasa ng Proclamation of Independence na ibinigay sa kanya ng kinatawan ni Queen Elizabeth, ang Duke of Gloucester, ay idinaos sa Stadium Merdeka na itinaho para sa selebrasyon ng pagsasalin, sinundan ng pitong awitin na “Merdeka!” (Kalayaan!), na kasabay sa pag-awit ang madla upang saksihan ang pagsilang ng bagong bansa. Pinagyayaman ng mga Malaysian iyon bilang memorable at pinakamahalagang tagpo sa kasaysayan ng kanilang bansa.