Ni ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN
IGINIIT ni Mary Christine Jolly Ramsay na ang kasong paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) na iniharap niya sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa asawa niyang si Derek Ramsay ay para sa kapakanan ng kanilang 11-anyos na anak.
“This case is about the violence perpetuated by Derek Ramsay against me and my son whom this man abandoned eleven years ago. Republic Act 9262 is clear — very specific in its provisions that the rights of women and children are to be protected against abuses committed against them by anyone,” sabi ni Christine sa press briefing sa Makati City kahapon.
Sinabi ni Christine na siya at ang kanyang anak ay paulit-ulit na dumanas ng emotional, psychological at economic abuse sa buong 12 taon na nagsasama sila ng aktor. Isinampa niya ang kaso noong Hunyo ng taong ito.
“This is not about me. This is about my son, who wants nothing more than assert his rights as a child from his father,” sabi ni Christine.
Sinabi naman ni Mrs. Ramsay na bukas siya sa mediation at sa posibilidad na iurong ang kaso kung tutupad si Derek sa napagkasunduan nilang sustento sa kanilang anak.
“I want an assurance that we (couple) will have a shared parenting and shared responsibility of the child,” sabi ni Christine sa mga mamamahayag.
Sa Setyembre 4 nakatakdang ihain ng kampo ni Christine ang kanilang tugon sa counter-affidavit na isinumite ni Derek ilang linggo na ang nakararaan.
Sinabi ng 36-anyos na dating modelo na nagkakilala sila ni Derek noong 2001 at nagpakasal noong Abril 2002 sa Bustos, Bulacan.
Ngunit habang nagsasama sila, sinabi ni Christine na laging gumigimik at nambababae si Derek.
‘‘Women were his (Derek’s) weakness,” sabi ni Christine, na inilarawan ang aktor bilang iresponsable.
Makalipas ang limang buwang pagsasama, naghiwalay sina Christine at Derek kahit isang buwan nang buntis noon ang una.
Taong 2003 nang isilang ni Christine ang isang sanggol na lalaki. Nagtungo sa Dubai ang mag-ina at doon na namuhay simula noon.
Sa una, ayon kay Christine, ay sinusustentuhan ni Derek ang kanilang anak pero makalipas ang tatlong taon ay tumigil na sa pagsuporta ang aktor.