Nangako ang 2-time Olympian at Southeast Asian Games (SEAG) long jump record holder na babawi siya sa mapait na karanasan may apat na taon na ang nakalipas sa 2010 Guangzhou Asian Games sa kanyang pagsagupa sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni Torres na natuto siya sa kanyang naging karanasan noon sa Guangzhou, China kung saan ay itinala niya ang pinakamalayong 6.49 metrong talon sa unang pagtatangka pa lamang para sa posibleng gintong medalya subalit na-foul siya sa huling limang lundag upang mabitawan ang tansong medalya para tumapos sa ikaapat na puwesto.
“Masaya po ako dahil last competition ko bago ang Asian Games ay nakuha ko ang standard na gusto nila para mapasama ako sa delegation. Kumbaga, kung hindi ko nakuha sa Singapore wala na talaga akong chance dahil wala ng competition,” sinabi ng 33-anyos na si Torres.
“Nagpapasalamat pa rin ako sa POC/PSC Task Force na pinagbigyan nila ako na makapag-perform pa rin doon sa Singapore at tinanggap pa rin nila ang naging performance ko doon. Pagkakataon ko po na makabawi,” giit pa ni Torres, isa sa pambansang atleta na nasa ilalim ng “Adopt an Olympian”.
Inamin ng kasalukuyang may timbang na 51kg na si Torres na ang huling natitirang mga araw, bago pa ang pagbubukas ng Asiad sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4, ay kanyang gugugulin para sa speed training upang maibalik ang kanyang kombinasyon sa pagtalon.
“Wala pa po kasi sa peak ang katawan ko dahil po sa panganganak ko,” dagdag ni Torres.
“Medyo iba po ang rhythm pero makakaya po iyan na mabago pa dahil may isang buwan pa naman po na makakapaghanda ako,” sinabi pa nito.
Huling itinala ni Torres ang kanyang record best na 6.71 metro noong 2011 Palembang SEA Games kung saan ay mas mabigat ang kanyang timbang na 53kg.
“Mas mabigat po ako noon na nakuha ko ang personal best jump ko compare sa ngayon. May sinusunod po kasi kami ngayon na program sa training at nutrition kaya po umaasa ako na bago ang Asian Games ay halos nasa condition na po ako,” paliwanag pa ni Torres.