Idineklara kahapon ng umaga ng House Committee on Justice na sapat sa porma (sufficient in form) ang tatlong impeachment complaint na ihinain laban kay Pangulong Aquino.
Sa unang reklamo, 53 kongresista ang bumoto pabor sa pagkakaroon ng sapat na porma nito. Walang negatibong boto ngunit may isang abstention vote.
Ang pangalawang reklamo ay nakakuha ng 42 yes votes, pitong “No” at apat na abstentions.
Ang pangatlong reklamo ay agad idineklarang sufficient in form dahil wala kahit isang kongresista ang tumutol sa mungkahi ni Leyte Rep. Sergio Apostol na ideklara itong may sapat na porma.
Sa susunod na hearing, sinabi ni Iloilo City Rep. Niel Tupas, chairman ng komite, titimbangin naman kung sufficient in substance ang tatlong reklamo laban sa Pangulo.