Iniimbestigahan na rin ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) sa ibang rehiyon matapos maungkat ang P119 milyong anomalya sa ahensiya.

Sinabi ni Senior Supt. Rudy Lacadin, CIDG deputy chief for operations, mayroon na silang sinusundang magandang lead sa iba pang maanomalyang proyekto ng NIA sa ibang rehiyon.

“So other investigations will be conducted, covering other regions,” pahayag ng CIDG chief.

Nitong nakaraang linggo, tatlong dati at kasalukuyang opisyal ng NIA ang sinampahan ng kasong graft matapos madiskubre ng pulisya ang ilang hindi nakumpletong proyektong pang-irigasyon ng NIA sa kabila nang naipalabas na ang pondong P119 milyon para sa mga ito.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Bukod sa hindi tinapos na proyekto, mayroon ding naungkat ang mga imbestigador na istraktura kung saan ang mga ginamit na materyales ay mababang kalidad.

Mismong si Pangulong Aquino ang nag-utos ng imbestigasyon matapos madiskubre ang iregularidad sa mga proyekto ng NIA sa Agusan del Norte at iba pang lalawigan.

“Investigators learned that funds were already released in early 2012 to the implementing NIA regional office in CARAGA, but up to the present, the projects are still not finished,” pahayag ni CIDG chief Director Benjamin Magalong.

“Technical specialists also found that the materials used in the said projects were substandard and prescribed specifications were grossly not followed,” dagdag niya.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina dating NIA Regional Manager Modesto Membreve at Dexter Patrocinio; at kasalukuyang NIA-CARAGA Regional Manager Encarnacion Soriano. - Aaron recuenco