Ang kamatayan ay dumarating sa oras na hindi inaasahan, at napatunayan ito sa kaso ni dating Mayor Enteng Dela Fuente, 60, ng aming bayan ng Abucay sa lalawigan ng Bataan. Isang dakila, masipag, mapagpalang gabay ng mga taga-Abucay, si Mayor Enteng sana ang timbulan ng kanyang mga kababayan.

Walang isasaing, Mayor Enteng. Walang pangmatrikula ang anak, Mayor Enteng. Nahuli at nakasuhan ang isang nagkasalang kamag-anak ng isang kababayan, Mayor Enteng. Naputulan ng kuryente dahil walang pambayad, Mayor Enteng. Si Mayor Enteng ang tambakan ng mga problema ng kanyang mga kababayan. Siya ang “balikat na maiiyakan”. Panalo siya bilang kaibigan ng lahat, ngunit natalo siya ng diabetes.

Hindi nabawasan ang pagtulong sa mga kaibigan at mga kababayan kahit na nahihirapan. Hanggang sa nang hindi na makayanan ay napilitang sumailalim sa operasyon sa puso. Nalampasan niya ang naturang opersayon ngunit hindi ang dapo ng iba pang karamdaman. At siya ay sumakabilang buhay ilang araw pa lamang ang nakararaan.

Isang pamilya ng mga pulitiko, ang ama ni Mayor Enteng ang siyang pinakamatagal na naging alkalde ng Abucay. Sinundan ito ng kanyang ina na kung may ilang termino ring naging alkalde ng bayan. Si Mayor Enteng ang alkalde na hindi kailanman nagpayaman sa puwesto. Ang totoo, ang naturang puwesto ang nagpahirap sa kanya. Ngunit ang pagmamahal ni Mayor Enteng sa mga kababayan ay hindi napakupas ng panahon…hanggang sa kanyang kamatayan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kay Edna, ang mahal na kabiyak, sa kanyang mga anak, ang aming pakikidalamhati. Kay Mayor Enteng, paalam!

Ipinaaabot din ni Undersecretary Marcelo Lagmay na isa rin nitong kaibigan ang kanyang pakikiramay sa buong pamilya.