Agosto 22, 1864 nang pinagtibay ang unang Geneva Convention ng 16 na bansa sa Geneva, Switzerland. Layunin nitong protektahan ang mga biktima ng digmaan, katuwang ang noo’y bagong tatag na International Red Cross.
Ang convention ay itinaguyod ni Henri Dunant, relief activist at tagapagtatag ng Red Cross, matapos masaksihan ang maraming kaguluhan sa Europe, kabilang na ang Battle of Solferino ng puwersang French-Piedmontese at Austrian. Ang digmaan ay nagresulta sa kamatayan ng 40,000, na pinalala ng kakulangan ng mga pasilidad at mga pagtigil sa bakbakan na kailangan para sa gamutan.
Ang Geneva Convention ang bumuo ng mga patakaran, kabilang na ang impartial medical assistance at paggamot sa mga sugatan at may sakit na sundalo. Apat na beses itong inamyendahan at ang huli ay noong 1949. Sa kasalukuyan ang convention ay mayroong 195 signatory country.