Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Miyerkules ang appointment ni Brig. Gen. Arnold M. Quiapo bilang bagong hepe ng Intelligence Service (ISAFP).

Pinalitan ni Quiapo si Maj. Gen. Eduardo M. Año na ngayon ay commander ng 10th Infantry Division (10ID) ng Army.

Bago ang kanyang appointment bilang bagong ISAFP chief, si Quiapo ay naging Commander ng 301st Brigade, 3rd Infantry Division, Philippine Army na nakabase sa Dingle, Iloilo. Hawak niya ang posisyon mula Disyembre 2011 hanggang sa kasalukuyan.

Sa kanyang panahon bilang commander, ang 301st Brigade ay nakagawa ng simultaneous signing ng Joint Peace and Security Coordinating Council (JPSCC) na nagpapatupad ng mga plano sa security para sa mahahalagang proyekto ng pamahalaan at ng pribadong sektor, mga pasilidad at kagamityan sa Iloilo Provincial Police Office, Guimaras Provincial Police Office at Iloilo City Police noong Hulyo 2014 Pinamunuan din niya ang iba’t ibang “bayanihan” at community development projects sa 301BDE area of responsibility.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Siya ay naging Chief of Staff ng Training and Doctrine Command, PA sa Tarlac; Group Commander, K-9 Company ng Army’s Intelligence Service Group; at Battalion Commander ng 39th Infantry Battalion, 6th Infantry Division, Philippine Army sa Mindanao.

Si Quiapo ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Matikas” class of 1983. Kumuha siya ng specialization courses at mga pagsasanay kapwa sa military at civilian schools dito at sa ibang bansa. Nagtapos siya ng Overseas Joint Warfare Course sa Australian Defense Force Warfare Centre; Counter Terrorism Training sa PMA; at Command and General Staff Course sa CGSC, TRADOC, PA. Mayroon din siyang Master in Business Management sa University of the Philippines at Master of Arts in Security Studies sa Australian Defense College. - Elena L. Aben