Mas mataas ang economic growth ng bansa sa ikalawang bahagdan ng taon kumpara sa unang tatlong buwan (Q1), tinaya ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Ayon kay Socio-economic planning Secretary Arsenio Balisacan, maganda ang mga indikasyon na lumago ang ekonomiya mula Abril hanggang Hunyo (Q2).
“Leading economic indicators seem to be quite favorable. Subsequent quarters better than Q1,” pahayag ni Balisacan sa panayam ng mamamahayag.
Binanggit niya na nakahugot ng lakas upang umangat ang gross domestic product o GDP sa malawak na export at malakas na spending at consumption.
“Rehabilitation and reconstruction efforts are also gaining traction,” dagdag ni Balisacan.
Nailista ang annual growth sa unang bahagdan ng taon sa 5.7 porsiyento, na pinakamahina sa loob ng dalawang taon.
Ilalabas ng NEDA sa Agosto 28 ang mga datos o indicators sa Q2 GDP kung saan tinayang aabot sa 7 porsiyento.
Naiulat na bagamat ibinaba ng World Bank sa 6.4 porsyento mula 6.6 porsyento ang economic growth ng Pilipinas ngayong taon, mananatiling pinakamalakas ito sa East Asia region, kasunod ng China.