Pinakikilos si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Florencia Padernal upang sibakin sa puwesto ang tatlong opisyal ng ahensiya na isinasangkot sa milyun-milyong pisong anomalya sa mga proyekto.

Dahilan ni Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Lemuel Fortun, hindi na dapat nanatili sa posisyon sina Modesto Membreve, dating NIA-Caraga regional manager; Dexter Patrocinio, na pumalit kay Membreve noong Oktubre 2012; at Encarnacion Soriano, kasalukuyang NIA-Caraga regional manager.

Ang tatlong opisyal, at si Gardinel Jimenez, may-ari ng Dungan Constructors and Development Corporation (DCDC), ay kabilang sa 53 kinasuhan ng paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at RA 9184 (Government Procurement Reform Act) sa Office of the Ombudsman matapos matuklasan ng isang composite body ang matitibay na ebidensya laban sa mga ito.

Nabigla, aniya, si Fortun sa “hindi pagtanggal sa posisyon sa nasabing mga empleyado at opisyal na naiugnay sa isyu sa kabila ng katotohanang matagal nang alam ni Padernal ang isyu.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Isa rin aniyang insulto kay Padernal ang kawalan ng aksyon sa nasabing kontrobersiya, partikular nang naunahan pa ang opisyal ng composite team sa pagsasampa ng kaso laban sa mga tauhan nito.

Sinabi ng kongresista na dapat ay sinibak na ni Padernal sa puwesto ang mga opisyal ng NIA-Caraga nang umupo ito sa puwesto noong Hulyo, upang masigurong malayang makakikilos ang imbestigasyon, ngunit nagpalabas pa aniya si Padernal ng resolusyon upang manatili sa puwesto ang mga akusado.