Hindi pa tapos ang rehabilitasyon ng Magallanes Interchange.
Bagamat bukas na sa light vehicles ang southbound lane ng flyover sa Makati City, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi pa ito tapos sa mga pagkukumpuni matapos na makakita ng mga depekto sa ikatlong baitang ng istruktura.
“While we were opening it, we saw damage on the concrete pavement so there would be additional (repairs),” pahayag ni DPWH National Capital Region (NCR) Director Reynaldo Tagudando.
Pinag-aralan ng DPWH ang lawak ng sira, ngunit siniguro nito na ang mga nakitang depekto ay “sectional” lamang.
“It (damaged part of the interchange) is in EDSA going to Roxas Boulevard then EDSA going to Cubao,” ani Tagudando.
Aniya, mauumpisahan lang ng DPWH na ayusin ang ikatlong baitang ng Magallanes Interchange kapag muli itong pinayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Maaari umanong lumampas sa P140-bilyon budget ang pagsasaayos ng sira sakaling kakailanganin ng DPWH na magkabit ng reinforcement polumer fiber upang palakasin ang istruktura. - Raymund F. Antonio