Ni OMAR PADILLA

CALUMPIT, Bulacan - Naaresto noong Lunes ang hinihinalang suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 26- anyos na dalaga sa bayang ito matapos na bumisita ang una, kasama pa ang misis, sa burol ng biktima.

Ayon sa paunang imbestigasyon, Lunes ng tanghali nang dumalaw ang jeepney driver na si Elmer Joson, 45, at asawa nito sa burol ni Anria Espiritu, at sinabing naisakay niya pa ang dalaga noong Miyerkules ng gabi.

Nang makaalis na ang mag-asawa ay nagsimulang magduda ang mga kaanak ni Espiritu nang mapansin ang mga galos at kalmot sa katawan ng driver, kaya nang bumalik ang mag-asawa ng dakong 3:00 ng hapon ay dinakip na si Joson.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Tungkol sa kanyang mga sugat, iginiit ni Joson na dahil ito sa pag-aaway nilang mag-asawa, pero sinabi ni Supt. Ophelio Dakila Concina Jr., hepe ng Calumpit Police, na hindi na umano sariwa ang ibang sugat ng driver.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang jeep na posibleng ginamit sa krimen. May lead na rin sa iba pang suspek, ayon kay Concina.

Bago ito, dalawa pang suspek ang inaresto at sumasailalim na rin sa interogasyon.

Ayon sa salaysay ng ina ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang anak noong Miyerkules, nang magpaalam itong gigimik. “Pinaalalahanan ko po siya (bago umalis). ‘Yun po kasi, parang sosyal manamit. Sabi ko, ‘bakit ka ganyang manamit?’ Uso na raw ang ganun,” sabi ni Gloria Espiritu, ina ng biktima.

Hindi na na-contact ang dalaga hanggang sa matagpuan ang bangkay nito noong Huwebes na walang saplot at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Namataan din sa crime scene ang isang screwdriver at kadena, na hinihinalang ginamit sa pagpaslang sa biktima.

May hinala ang ina ng biktima na kakilala ng kanyang anak ang mga salarin. Posible rin aniyang taga-roon lang ang mga ito dahil ‘tila kabisado ang kanilang lugar.

“Sana ma-solve na ang imbestigasyon. Umaasa ako sa Panginoon na magkakaroon ng katarungan ang anak ko,” sabi ni Aling Gloria.

Ayon sa forensics investigation, hinihinalang apat ang suspek sa krimen dahil apat ang trace ng semilya na natagpuan sa katawan ng dalaga.