Tumanggi kahapon na magpasok ng plea si retired Army Major General Jovito Palparan matapos siyang basahan ng sakdal sa Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 14.
Dahil dito, ang korte na ang nagpasok ng not guilty plea para kay Palparan.
Si Palparan ay binasahan sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa misteryosong pagkawala ng dalawang estudyante na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Hiniling na naman ni Palparan kay Judge Theodora Gonzales na manatili muna siya sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa isyu ng seguridad.
“I just value my life and the risks are real,” ani Palparan.
Sa tugon ng huwes, dapat sundin ang kanilang commitment order na ikulong ang dating heneral sa Bulacan Provincial Jail.
“You are secured in Bulacan Jail. This is just for the meantime while we study your motions,” ani Gonzales.
Pansamantalang nanatili sa tanggapan ng NBI sa kapitolyo sa Malolos malapit sa RTC si Palparan bago dinala sa loob ng Branch 14 bandang 9:30 ng umaga.
Sinabi ni Private Prosecutor Edre Olalia na tinututulan ng kanilang panig ang hirit ng ilan na sa kustodiya ng militar isailalim si Palparan.
Pasisinungalingan nila sa pagharap sa korte ang mga alegasyong NBI lang ang may kakayahang bantayan si Palparan at maging ang pahayag ng akusado na may mga banta sa kanya.