IPINAGDIRIWANG ngayon ang National Day of Afghanistan na ginugunita ang kanilang kalayaan mula sa Great Britain noong 1919.

Isang bansa na napapalibutan ng lupain sa gitna ng Asya, nasa hilaga ng Afghanistan ang mga bansang Central Asian gaya ng Turkmenistan, Uzbekistan, at Tajikistan; sa silangan naman ay ang China at ang bahagi ng pinagtatalunang teritoryo ng Jammu at Kashmir na kontrolado ng Pakistan; sa timog naman ay ang Pakistan; at nasa kanluran ang Iran. Kabul ang sentro ng Afghanistan.

Mula 1747 hanggang 1973, isang monarkiya ang Afghanistan. Noong 1979, sinakop ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR) ang Afghanistan na pinag-ugatan ng Soviet-Afghan War. Taong 1989, sumuko ang mga Soviet ngunit bigla namang sumiklab ang isang civil war. Kinubkob ng Taliban na isang kilusan ng mga Islamic fundamentalist ang Kabul noong 1996. Kinupkop ng mga Taliban ang mga teroristang al-Qaeda. Matapos ang mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001 laban sa United States, sinalakay ng US military forces ang Afghanistan at tuluyang inalisan ng kapangyarihan ang Taliban taong 2001.

Nagkaroon ng bagong konstitusyon ang Afghanistan at naging presidential ang gobyerno nito noong 2004.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Taong 2005, nilagdaan ang strategic partnership agreement ng United States at Afghanistan na pinagbubuklod ang dalawang bansa sa isang pangmatagalang ugnayan.

Agrikultura ang pangunahing haligi ng ekonomiya sa Afghanistan. Kabilang sa mga produktong kanilang iniluluwas ay pomegranates, ubas, apricots, melon, iba’t ibang klase ng mani, at iba pang uri ng sariwa at pinatuyong mga prutas. Isa din sa kanilang pangunahing industriya ang konstruksiyon.

Ang Afghanistan ay miyembro ng South Asian Association for Regional Cooperation (SAARC), Economic Cooperation Organization (ECO), at Organization of the Islamic Conference (OIC).

Binabati namin ang mamamayan at gobyerno ng Afghanistan na pinamumunuan ni President Hamid Karzai, sa okasyon ng kanilang National Day.