“PEKSMAN, Batman, Superman” ang kinakanta namin habang papauwi kami noong Linggo ng gabi galing sa album launching cum 16th birthday party ng baguhang singer na si Hannah Nolasco sa Hard Rock Café. Sinulat at produced ni Boy Christopher Ramos ang nasabing album.
Na-LSS (last song syndrome) kami kasi easy listening at naaliw kami sa lyrics ng nasabing awitin ni Hannah. Tiyak na sasabihin ng mga pasosyal na ‘baduy’ na ito ngayong nasa computer age na tayo, pero masarap pa ring pakinggan kasi naalala namin ang high school days namin, ha-ha-ha.
Taglish ang lyrics ng mga awiting nakapaloob sa unang album ni Hannah tulad ng Inlab, Dito Lang Ako, Torpe, Tinamaan Ako, Ouch Naman, Paano Naman Ako, I-like Mo Naman Ako, Havey at Waley, If I Save Our Future, at seryosong awiting Thank You, Lord.
Matagal-tagal na rin namang walang bagong novelty songs at singer na pangmasa, kaya baka right timing ang paglalabas ni Hannah ng kanyang debut album.
Tuwang-tuwa rin kami sa awiting Ouch Naman kasi ang ganda ng kuwento, na-in love ang isang girl at nalaman niyang may ibang siyota pala ang lalaking type niya kaya sa halip na ‘nasasaktan ako’ ang sasabihin ay naging ‘ouch’ na kasi nga kolehiyala ang kumakanta.
Nakakaindak naman ang Torpe na ang lyrics ay “nakakalerky, nakakalerky, tigilan mo na ang sobrang arte at pagbutihin mo ang diskarte, nang hindi mahuli sa biyahe….”
Di ba, Bossing DMB, nakakaaliw at nakaka-LSS? I’m sure type ng mga anak mo, lalo na ang binata mo na feeling ko ay siya ang masa kumpara sa dalawang dalaga mo, he-he-he.
(Ipaparinig ko nga! –DMB)
Sa totoo lang, ngayon lang kami dumalo ng album launching na naaliw kami kahit inip na inip na kami sa tagal dahil nga nag-mini concert si Hannah with special guests tulad nina Jake Vargas, Arthur Manuntag, German “Kuya Germs” Moreno, Bryan Termulo, at ang singing soldier na si Mel Soriliano.
Ayon kay Hannah, bata pa lang ay pangarap na niyang maging singer at sana raw ay mabigyan siya ng puwang sa music industry. Idol niya si Sarah Geronimo.
Masuwerte si Hannah dahil hindi na siya dumaan sa singing contests para magkaroon ng sariling album. Sabi nga ni Bryan, “Masuwerte ka kasi may album ka na agad, ito ang pangarap ng halos lahat ng singers”na tama naman.
Sobrang supportive ang tatay ni Hannah at dahil nag-iisang anak ay sunod siya sa luho. Pero hindi naman daw siya abusadong anak dahil masipag mag-aral lalo’t graduating na siya ng high school sa San Beda Alabang at planong kumuha ng Psychology sa De La Salle University.
At mukhang hindi naman mahigpit na kanyang tatay na si Retired Colonel Ricardo L. Nolasco ng Philippine Air Force dahil nagbiro pa nga ito ng, “Sana magkaroon na ako ng apo sa ‘yo” sabay sabing, “joke lang.”
E, di ba, Bossing DMB kapag biro half-meant, ha-ha-ha!
Anyway, advise namin kay Hannah, tutal bata pa naman siya ay mag-aral muna siya at kung talagang gusto niyang ipagpatuloy ang pagkanta ay mag-voice lesson pa rin siya dahil hindi sapat na marunong lang siyang kumanta para mas lalong mahasa at maging modulated ang boses niya.