Laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

4 p.m. Ateneo vs Air Force

Magtuluy-tuloy na kaya ang pagratsada ng Ateneo de Manila University (ADMU) o mas magiging mataas ang paglipad sa kanila ng Philippine Air Force (PAF)?

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ito ang mga katanungan na bibigyan ng kasagutan ngayon sa pagtatapat ng Lady Eagles at ng Raiders sa kanilang nakatakdang knockout match para sa ikaapat at huling Final Four berth ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-4:00 ng hapon ang nasabing playoff match makaraang walisin ng Lady Eagles ang lahat ng limang laro nila sa quarterfinals kung saan ay tumapos sila sa ikaanim sa nakaraang elimination round at kasunod ng pagkabigo ng Raiders sa kanilang huling laro sa quarters sa kamay ng defending champion Cagayan Valley noong nakaraang Linggo.

Hindi na sana dadaan sa playoff ang Air Force, ngunit ang isa sa kanilang pinakamahalagang laro ay nakuhang bumalikwas ng Lady Rising Suns at maipanalo ang huling laro sa quarterfinals matapos ang unang apat na kabiguan.

Bukod sa sariwa pa sa 5-game winning streak na kinabibilangan ng 25-21, 22-25, 17-25, 25-19, 15-9 panalo nila sa Air Fortce noong Agosto 7, bentahe din para sa Lady Eagles ang pagiging crowd favorite.

“Malaking bagay po talaga sa amin iyong support ng crowd kasi, tumataas talaga iyong morale namin at parang mas lumalakas iyong pakiramdam namin kapag naririnig namin iyong kanilang mga cheer. Nakaka-inspire po talaga sila,” pahayag ni Lady Eagles ace spiker at team captain Alyssa Valdez.

Maliban kay Valdez, tiyak ding aasahan ni coach Anusorn Bundit na mas tanyag bilang si coach Tai sina Amy Ahomiro, Gia Morado, Michelle Morente, Miren Gequillana at Den-den Lazaro.

Sa kabilang dako, magsisilbing sandigan naman ni coach Clarence Esteban para sa hangad na makarating sa semifinals ang kanyang setter na si Rhea Dimaculangan at mga pambatong hitters na sina Joy Cases, Mika Ortiz, Judy Caballejo at Jocemer Tapic.