Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
2 p.m. – Cagayan vs Air Force
4 p.m. – Army vs PLDT
Magtutuos ngayon ang Philippine Air Force (PAF) at defending champion Cagayan Valley (CAV) upang paglabanan ang ikatlong Final Four spot ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference sa isang playoff match sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Naitakda ang nasabing playoff game matapos walisin ng Lady Rising Suns ang laro noong nakaraang Hulyo 17 at mapuwersa ang thee-way tie sa liderato sa pagtatapos ng eliminations. Nagkaroon ng malaking pagbabago ang laro nang bumaligtad ang kapalaran ng Cagayan na dumanas ng apat na sunod na kabiguan sa quarterfinals na naglagay sa mga ito sa alanganing sitwasyon matapos silang magtala ng record na 16-game sweep noong nakaraang taon.
Dahil sa kanilang natamong 4-game losing skid sa quarters, bumagsak ang Cagayan sa ikalimang posisyon na hawak ang barahang 6-5 (panalo-talo) kasunod ng No. 3 Air Force (7-4) at No. 4 Ateneo (7-5).
Kaya naman kinakailangan nila ngayong manaig kontra sa Air Force sa kanilang pagtatapat sa ganap na alas-2:00 ng hapon upang makausad ng deresto o kaya’y dumaan ulit sa playoff para sa huling semis seat ng mid-season conference ng ligang ito na itinataguyod ng Shakey’s sa tulong ng Mikasa at Accel.
Pag-aagawan naman ng mga sigurado nang semifinalists na Philippine Army (PA) at PLDT Home Telpad na kapwa may barahang 8-3 para sa top spot papasok sa Final Four round sa kanilang pagtatapat sa tampok na laro ngayong alas-4:00 ng hapon.
Upang direktang makapasok sa semifinals, kailangan ng Lady Rising Suns na magwagi ng tatlong sunod na sets kontra sa Raiders.
Kung mangyayari ito, dadaan ang Raiders sa playoff para sa huling Final Four seat kontra sa Ateneo de Manila University (ADMU) Lady Eagles.
Ngunit kung mananalo sila sa loob ng apat na sets, isa sa kanila ng Lady Eagles ang direktang uusad sa semis depende sa scores quotient kung saan ang may mataas na quotient ang kokopo ng third semis spot at ang may mababa nman ang babagsak sa playoff kontra sa Raiders.
Ngunit kung ang Air Force naman ang magwawagi, tuluyan nang mamamaalam sa kanilang tsansa na maipagtanggol ang kanilang titulo ang Cagayan Valley.
At kung magwawagi naman ang Cagayan sa limang sets, papasok ng deretso ang Ateneo at muling maglalaban ang una at ang Air Force para sa huling Final Four seat.