Archive Photos: Robin Williams `Weapons of Self Destruction` at Town Hall in New York

LOS ANGELES (AFP) – Hindi lang depression ang dinaramdam ng Hollywood actor na si Robin Williams na nagpatiwakal ngayong linggo—hindi rin matanggap ng mahusay na komedyante na mayroon siyang Parkinson’s Disease, ayon sa kanyang biyuda.

Natagpuan ng personal assistant si Robin na nakabigti ng sinturon sa isa sa mga kuwarto sa bahay ng komedyante sa California noong Lunes, na nagbunsod ng maraming espekulasyon tungkol sa addiction na dinanas noon ng Oscar-winning actor.

Ngunit sa isang pahayag na inilabas noong Huwebes ay inamin ng asawa ni Robin na si Susan Schneider na labis na pinroblema ng 63-anyos ang depression at pagkaka-diagnose na may Parkinson’s, isang degenerative nerve disorder.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It is our hope in the wake of Robin’s tragic passing, that others will find the strength to seek the care and support they need to treat whatever battles they are facing so they may feel less afraid,” sabi ni Susan.

“Robin’s sobriety was intact and he was brave as he struggled with his own battles of depression, anxiety as well as early stages of Parkinson’s Disease, which he was not yet ready to share publicly.”

Sinimulan na ng coroner ng Marin County ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Robin, pero kinumpirmang malaki ang posibilidad na nagpatiwakal nga ang komedyante, bagamat hindi pa nailalabas ang toxicology reports.

“Robin spent so much of his life helping others,” ani Susan.

“Whether he was entertaining millions on stage, film or television, our troops on the frontlines or comforting a sick child—Robin wanted us to laugh and to feel less afraid.

“His greatest legacy, besides his three children, is the joy and happiness he offered to others, particularly to those fighting personal battles,” dagdag niya.

Isang sakit na nakaaapekto sa nerve cells sa bahagi ng utak na nagkokontrol sa muscle movement, ilan sa mga kilalang personalidad na dumaranas o nagkaroon ng Parkinson’s ay ang aktor na si Michael J. Fox, ang boxing champion na si Muhammad Ali, ang radio DJ na si Casey Kasem at ang isa sa pinakamamahal na Papa sa kasaysayan na si Saint John Paul II.

MAY 4 PANG PELIKULA

Sa harap ng patuloy na pagluluksa ng Hollywood at ng milyun-milyong tagahanga ni Robin sa iba’t ibang panig ng mundo, may pakaaabangan pa rin sila na bahagi ng legacy ng actor-comedian.

May apat na pelikula pa ang ipalalabas na tinatampukan ni Robin.

Sa Pasko, mapapanood siya bilang Teddy Roosevelt sa Night of the Museum: Secret of the Tomb, na natapos ang produksiyon noong Mayo at ipalalabas sa Disyembre 19.

Isang buwan bago nito, may isa pang festive film na mapapanood. Kinunan niya ang comedy na Merry Friggin’ Christmas kasama sina Wendi McLendon-Covey, Lauren Graham at Oliver Platt at ang Joe and Anthony Russo-directed picture ay ipalalabas sa Nobyembre 7.

Bukod dito, ang bituin ng Aladdin ay nagbigay-boses din sa animated pooch na si Dennis the Dog sa live-action comedy na Absolutely Anything, na pinagbibidahan nina Simon Pegg at Kate Beckinsale at ilalabas sa susunod na taon.

Ang ikaapat niyang pelikula na Boulevard ay nag-debut sa Tribeca Film Festival noong unang bahagi ng taong ito at wala pang theatrical distribution.

Nakipagpulong din si Robin sa screenwriter na si David Berenbaum para sa sequel ng kanyang hit 1993 comedy na Mrs. Doubtfire, at ginagawa na ang second draft. - May ulat ng Bang