Umapela sa korte ang kampo ni retired Army Major General Jovito Palparan na manatili muna ito sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa kanyang seguridad.

Ang kahilingan ng kampo ni Palparan ay iginiit matapos magpalabas ng commitment order ng Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 14 na ilipat na sa Bulacan Provincial Jail ang nasabing dating opisyal na tinaguriang berdugo ng mga aktibista.

Agad nagsumite ng urgent ex-parte motion to stay detention si Palparan para ikonsidera ang paglilipat dahil sa isyu ng seguridad.

Nakapaloob sa mosyon na may intelligence reports na hawak ang mga sundalo na nagsasabing bumuo na ang New Peaople’s Army (NPA) ng liquidation squad na planong pagpatay kay Palparan kaya kailangang matiyak ang kanyang kaligtasan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una nang inihayag ng NBI na hindi magiging madali ang paglilipat sa retiradong sundalo dahil malayo ang Bulacan at lantad ito sa mga posibleng hakbang ng mga kalaban nito.

Si Palparan ay nahaharap sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng ilang lider at miyembro ng mga aktibistang kabataan na sina University of the Philippines (UP) student Karen Empeño at Sheryn Cadapan, noong 2006.

Samantala, handa naman ang NBI na magpaliwanag at humiling sa hukuman ng dagdag na panahon para maisakutaparan ang paglilipat ng bilangguan kay Palparan.

Sinabi ni NBI Anti Organized and Transnational Crime Division Chief Rommel Vallejo, sa ngayon ay dumadaing ng pananakit ng likod si Palparan kaya mas dapat na manatili muna ito sa NBI holding center dahil malapit ito sa klinika ng ahensiya.