Makikipagsabayan ang apat-kataong Equestrian Team, pinamumunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, kahit pa mabigat ang labanan sa 17th Asian Games sa Incheon, South Korea.

Bibitbitin ni Sydney Olympian Toni Leviste ang kapwa nito naging SEA Games gold medalist na si Joker Arroyo at ang magkapatid na sina Diego at Mateo Lorenzo ang laban para sa Philippine Equestrian Showjumping team sa pagsabak sa 17th Asiad sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 4.

Ipinaliwanag ni Equestrian Association of the Philippines (EAP) secretary general Stephen Virata, sa panayam ng SportsRadio, ang apat na atleta ay nakuwalipika sa pag-abot sa standard jump, sakay ng kanilang mga kabayo, na 1.40 metro.

Si Leviste at Arroyo, na kapwa nasa ilalim ng pagtuturo ng isang French coach, ay nasa matinding pagsasanay at kasali sa lingguhang kompetisyon sa France. Ang magkapatid na Lorenzo ay kapwa nasa ilalim ng Irish coach na si Kellen Dawley at tuluy-tuloy din ang kanilang paghahanda sa Germany.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nakatakdang sumagupa ang apat sa isang team event sa Belgium bago tuluyang ipadala ang kanilang kabayo sa Incheon sa ikalawang linggo ng Setyembre.

Idinagdag ni Virata na nagawang lampasan ng apat na equestrian riders, sakay ng kanilang mga kabayo, ang pinakamahirap na aspeto ng preparasyon sa pagdebelop sa kanilang “confidence level” at pagsagupa sa mga matitinding kalaban sa Europa.

Inaasahang makakasagupa ng koponan ang magagaling na karibal na mula sa Guangzhou Asiad Team at Individual champion na Saudi Arabia at maging ang naghahamon na Japan, Korea, Qatar, United Arab Emirates at Bahrain.

Nakasaad naman sa format ng Incheon Asiad na tanging kalahati lamang sa mangungunang jumpers sa team event ang makakausad sa individual competition.

Kaya naman asam ni Virata na agad makapagpakita ng husay at kalidad ang PH riders sa team event upang makuwalipika sa individual event.

“We strongly believe we had a good chance for a medal,” sinabi ni Virata.

Matatandaan na huling nakapag-uwi ng medalya sa bansa si Mikee Cojuangco-Jaworski sa pagsungkit ng ginto sa individual at bitbitin ang koponan sa medalyang pilak sa team event noong 2002 Busan Asiad, na isinagawa din sa Korea.