MATAPANG pang ipinagtatanggol ni DBM Secretary Butch Abad ang naimbento niyang Development Acceleration Program (DAP) para kay Pangulong Noynoy. Pinatutsadahan pa niya ang Korte Suprema na siyang nagdeklara na unconstitutional ang DAP. Ang perang tangan ng Korte, wika ni Abad, ay inilagay din naman niya sa proyektong wala sa kanyang hurisdiksyon.

Ang tinukoy niya ay nang gastusin daw ng Korte ito sa pagpapatayo ng Hall of Justice ng Malabon gayong ang mga ganitong proyekto ay tungkulin ng ehekutibo partikular ng Department of Justice. Isa sa dahilan kasi ng Korte sa pagdeklara niya na unconstitutional ang DAP ay ginamit ng Pangulo ang pondo nito para sa mga proyekto ng ibang departamento ng gobyerno tulad ng lehislatura at Commission on Audit (COA) na hindi naman niya sakop. Tinawag itong cross-boarder transfer ng Korte. Kay Abad, nagcross-boarder din daw ang Korte. Nandoon na tayo, pero ganito pa rin ba ang gusto ng kalihim sa napakalaking pondo na ang Pangulo lang ang may tangan na inililipat ito sa labas ng kanyang nasasakupan? Eh nakita na ngang hindi para ito sa kapakanan ng bayan.

Halimbawa, bahagi ng DAP ay ipinambili ng Pangulo ng mga kotse ng mga commissioner ng COA. Sa palagay kaya ninyo ay matinong bubusisiin pa ng COA ang paggastos ng Pangulo sa pera ng bayan? Kapag hindi nito binusisi nang mabuti ang paggastos ng Pangulo, na malamang hindi nito gagawin dahil sa benepisyong ibinigay sa kanya, ano ang proteksyon pang makukuha ng mamamayan sa kanilang salaping iniambag nila sa gobyerno para mapatakbo ito sa kanilang kapakanan? Ang COA, sa ilalim ng Konstitusyon, ang tagapangalaga sa salapi ng bayan. Sa palagay kaya ninyo ay walang kinalaman ang DAP sa mabilis na pagpasa ng mga mambabatas sa dalawang resolusyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na magamit ang budget ng kanyang mga deparmento kahit hindi pa natatapos ang taon bilang savings? Eh halos lahat yata ng mga mambabatas ay nakatanggap ng DAP kahit mayroon na silang PDAF. Ang gusto lang naming sabihin sa iyo Sec. Abad ay kapag nagpatuloy pa ang nangyari nang paglilipat ng Pangulo sa kanyang DAP kahit sa labas ng kanyang nasasakupan, lalakas siya kaysa lehislatura at hudikatura na kapantay lang niya sa pagganap ng tungkulin sa bayan. Mayroon na nga siyang pondo, mayroon pa siyang armas bilang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Hindi lang magagamit ang pondo na panuhol sa mga taong gusto niyang mahingian ng pabor kundi maibubulsa pa ito ng iilan. Kahit napunta na kasi sa proyekto, nandoroon pa rin ang pagkaltas ng porsyento. Eh di lalo na kung walang proyekto, paghahatian na lang ng iilan ang pondo ng bayan.
National

Hontiveros, nauunawaan ilang senador na binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill