Nasasaktan si PNoy sa panawagang mag-resign na siya bunsod ng diumano ay kapalpakan sa pamamahala, katigasan ng ulo na makinig sa taumbayan, patuloy na pagkupkop sa ilang miyembro ng cabinet na pabigat at sanhi rin sa pagbagsak ng kanyang approval at trust ratings.

Sabi ni Mr. Tabako, este Pres. Ramos: “Ang lider ng bansa ay di dapat magpakita ng emosyon o kaya ay pag-iyak sa publiko. Dapat kang maging matatag.” Well said Pres. Ramos, ikaw kasi ay isang militar na sanay sa bakbakan at saksi sa maraming kamatayan ng iyong mga sundalo at pinuno sa pagsisilbi sa bayan.

Sa panig ni VP Binay, ganito ang pahayag niya: “Sa demokrasya, bawal ang iyakin. Hindi ka na nasanay Mr. President. May tutuligsa, may papabor.”

Siyanga pala, yumao na si Cornelio “Kune” de Guzman, ex-Manila Bulletin Tourism editor, noong Hulyo 22. Nagtapos siya sa UST Faculty of Philosophy and Letters, dating Filipino editor ng Varsitarian, at taga-Turo, Bocaue, Bulacan. Tiyuhin si Kune ni Oca San Pedro, isa ring Philets na noong nag-aaral sa UST ay laging nananalo sa paligsahan sa pagsulat. Nakikiramay ako sa pamilya ni Kune.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Nakatagpo ko minsan ang kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Umiiral na ang hustisya sa Pinas. O ito ay karma sa mga tiwaling pinuno ng gobyerno at pribadong indibidwal na nagpasasa sa salapi ng bayan. Nakakulong na ngayon sina Tanda, Seksi, Pogi, Reyna Janet Lim-Napoles at Atty. Gigi Reyes.”

Isang napakalakas na bagyo ang darating sa Pilipinas sa Enero 15-19, mas malakas kesa Yolanda at Glenda. Kung tawagin ito ni Cardinal Tagle at Papal Nuncio Guiseppe Pinto ay “Spiritual Typhoon”matapos kumpirmahin ng Vatican City na bibisita sa bansa si Pope Francis sa naturang petsa.

Ito ang bagyong sa pananalasa sa Pilipinas ay tiyak na yayakapin, sasalubungin at mamahalin ng mga Pinoy sapagkat sila ay magkakaroon ng spiritual renewal mula sa pagkakalugmok sa awayan, intrigahan, patayan, kahirapan, kagutuman at kawalang trabaho.