Hindi likas sa isang mister ang umiyak. Taglay kasi niya ang masasabi nating pusong bato. Ngunit may mga ginagawa ka, bilang kanyang misis, na kumakanti sa maseselan niyang ugat sa utak kung kaya bumibigay siya sa pagluha. Narito pa ang ilang bagay na maaaring ginagawa mo nang hindi namamalayan na nakasasakit ng damdamin ng iyong mister:
- Ang hindi siya ipakilala sa iyong mga amiga. – Malamang na hindi kilala ng iyong mister ang lahat ng iyong kaibigan. Naimbitahan ka sa isang sosyalan at kailangang isama mo ang iyong mister bilang iyong chaperone. At nang magkita kayo ng iyong mga amiga, nagtuluy-tuloy ang inyong kumustahan at tawanan nang hindi mo man lang ipinakikilala ang iyong mister. Maaari rin namang naisama mo siya sa iyong trabaho o sa mall kung saan nagkita-kita kayo ng iyong mga kasama sa trabaho o iba pang kaibigan at hindi mo siya ipinakilala. Para siyang naiwan sa dilim, isang walang pangalan, isang estranghero. Pakiramdam niya, siya ay walang kuwentang nilalang. Walang lalaking nais ang ganoong pakiramdam. Tulad mo, ayaw niyang maiwan sa dilim.
- Ang banggitin ang magagandang ginawa ng mister ng iyong amiga para sa kanya. – “Pag-uwi ng Culas galing probinsiya, nagpasalubong siya ng malalaking alimango kay Culasa. Naku, ang tataba ng mga alimango! Tuwang-tuwa si Culasa!” Ayaw ng mister ang makarinig ng ganoon. Sa isip ng iyong mister, parang sinasabi mo “Bakit hindi mo ako bigyan ng magagandang bagay? Wala ka sa kalingkingan ng mister ng amiga ko.”
- Ang ayusin ang kasangkapang sinira ng iyong mister. – Huwag mong ayusin ang kasangkapang sinira ng iyong mister. Kapag nakasira siya, hayaan mong ayusin niya iyon. Huwag mo ring lilinisin ang kanyang kalat. Kapag ginawa mo iyon, pakiramdam niya inutil siya.
- Ang hindi purihin ang kanyang gawa. – Nakikilala ang lalaki sa kanyang gawa, pati na ang tagumpay ng kanyang pagsusumikap. Kapag minaliit mo ang kanyang gawa, o kung hindi mo man lang pahalagahan ang kanyang tagumpay, lumilikha ito ng malalim na sugat sa kanyang damdamin. Kung hindi niya gusto ang kanyang trabaho, ayaw niyang marinig ang iyong pagsang-ayon. Ang kailangan niya mula sa iyo ay ang pagbibigay mo sa kanya ng pag-asa.