September 01, 2026

Home BALITA National

Torre, rumesbak kina Barzaga, Boss Dada sa pinagtawanang 'flood control' sa Marikina

Torre, rumesbak kina Barzaga, Boss Dada sa pinagtawanang 'flood control' sa Marikina
Photo courtesy: Kiko Barzaga, Boss Dada (FB)/MB

Bumwelta si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III kina dating Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga at sa social media personality na si “Boss Dada” matapos umano nilang pagtawanan ang isang viral video ng payloader sa Marikina City, sa kasagsagan ng pag-ulang dulot ng southwest monsoon o habagat.

"Ang galing talaga ng flood control ng Marikina City," tila sarkastikong pahayag ni Barzaga sa video.

"Lipat na 'ko diyan sa 2028," hirit pa niya.

Sey naman ni Boss Dada, "Flood control ni Quimbo at BBM pang worldclass! Wala pang ulul ang nakaisip niyan sa buong mundo sila palang.

Makikita kasi sa video na pagkatapos sumalok ng tubig-baha ang nagkokontrol sa payloader, itinapon din niya sa baha ang tubig na nasalok nito.

National

Talak ni Rep. Perci: Naging North Luzon Express Lake na NLEX, wala pa ring toll suspension!

Sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Agosto 31, hinikayat ni Torre ang dalawa na alamin muna ang ginagawa sa video bago ito pagtawanan.

“Pareho kayong tuwang-tuwa rito, pero alam n’yo ba talaga kung ano ang ginagawa?”

Ipinaliwanag ni Torre na naglilinis ng bucket ng payloader ang makikitang manggagawa sa video. Aniya, ang tubig na ginagamit sa paglilinis ng bucket ay ibinubuhos din sa gilid upang makatulong sa pagtanggal ng burak at mga latak na naiwan matapos ang baha.

“Naglilinis ng bucket ang payloader. At para two-in-one ang trabaho, ’yung tubig na ginagamit na panlinis ng bucket, ibinubuhos din sa gilid para tangayin ang burak at mga latak na naiwan pagkatapos ng baha.”

Binigyang-diin niyang dalawang gawain ang natatapos sa isang proseso—nililinis ang bucket habang ginagamit din ang tubig upang matanggal ang mga naiwan nitong putik at debris.

“Isang galaw, dalawang trabaho.”

"Hindi lahat ng nakikita mong tubig ay baha," aniya pa.

May bahid ng panunukso ang naging tugon ni Torre sa mga nag-post at tumawa sa naturang video.

“Meow, hindi lahat ng nakikita mong tubig ay baha.”

Direkta rin niyang tinukoy si “Boss Dada,” na ayon sa kaniya ay dapat munang suriin at unawain ang isang video bago maglabas ng komento.

“At Boss Dada, baka kaya ‘Feed Your Mind’ ang pangalan ng page ninyo — kailangan talagang pakainin muna ang isip bago mag-post. Puro dada kasi, Boss Dada. Tingnan muna. Intindihin muna. Saka tumawa.”

Sa kabila ng kaniyang mga pasaring, sinabi ni Torre na mas mahalagang tingnan ang ginagawa ng mga manggagawa na naglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng baha.

“Mas importante: huwag nating pagtawanan ang mga taong nagtatrabaho at naglilinis pagkatapos ng baha.”

Ayon sa MMDA chief, habang abala ang iba sa pagpo-post sa Facebook, ang mga manggagawa naman ang aktuwal na nasa putik at burak upang maibalik sa normal ang mga lugar na naapektuhan ng baha.

“Habang tayo nagpo-post sa Facebook, sila ang nasa putik at burak para maibalik sa normal ang lugar.”

Nanawagan din siya na maaaring pumuna o kumontra ang publiko, ngunit dapat munang tiyaking nauunawaan ang bagay na pinupuna.

“Kaya sa inyong dalawa: okay lang kumontra. Okay lang pumuna. Pero sana alamin muna kung ano ang pinupuna.”

Sa pagtatapos ng kaniyang post, sinabi ni Torre na magpapatuloy ang mga manggagawa sa kanilang gawain dahil marami pa umanong kailangang linisin matapos ang pagbaha.

“Kami rito, tuloy lang sa trabaho.”

“Marami pang burak na kailangang linisin — literal at figuratively," saad pa niya.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang dalawa sa naging pahayag ni Torre.