September 01, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Sino si Lee Yong-ju at ano nga ba ang ikinamatay niya?

Sino si Lee Yong-ju at ano nga ba ang ikinamatay niya?
Photo courtesy: Lim Eun-ho (IG) via MB

Pumanaw sa edad na 44 ang South Korean actor na si Lee Yong-ju, na nakilala sa kaniyang pagganap bilang isang inosente at medyo clumsy na bagong sundalo sa Korean military sitcom na “The Blue Tower."

Ayon sa mga ulat ng Korean media, Agosto 29, 2026 nang biglang pumanaw si Lee. Iniulat ng ilang media outlet na heart attack o atake sa puso ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Sino si Lee Yong-ju?

Bago siya tuluyang makilala bilang aktor, nagsimula si Lee bilang modelo. Pumasok siya sa mundo ng pag-arte noong 2004 sa pelikulang Thomas Ahn Jung-geun (Doma Ahn Jung-geun).

Kalaunan, lumabas siya sa ilang Korean productions kabilang ang Hello Franceska, Princess Hours, Ugly Miss Young-ae, Two Women's Room at Let's Eat.

Tsika at Intriga

Papi Galang, ipinagtanggol si Toni Fowler sa paratang na ‘enabler’ at ‘tolerator’

Gayunman, pinakamalakas ang naging marka niya sa publiko nang gumanap siya bilang isang maarte, inosente at madaling mataranta na bagong recruit sa The Blue Tower, isang sitcom na umiikot sa buhay ng mga sundalong Koreano. Dahil dito, naging pamilyar sa mga manonood ang kaniyang karakter at naging isa sa mga role na pinakamadalas iugnay sa kaniyang pangalan.

Ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay?

Atake sa puso ang iniulat na sanhi ng pagkamatay ni Lee Yong-ju. Gayunman, muling nabigyang-pansin ng Korean media ang kaniyang dating ibinahaging medical history matapos ang kaniyang biglaang pagpanaw.

Sa isang panayam noong 2013, sinabi ni Lee na mayroon siyang hypertrophic cardiomyopathy o HCM, isang kondisyon kung saan abnormal na kumakapal ang kalamnan ng puso. Ayon sa kaniyang naging kuwento noon, natuklasan ang kondisyon matapos siyang sumailalim sa pagsusuri para sa kaniyang military service. Mayroon din umanong kapamilya siyang nagkaroon ng parehong kondisyon.

Muli rin niyang nabanggit ang kaniyang problema sa puso sa isang YouTube appearance noong Pebrero 2026, nang ipaliwanag niya kung bakit siya na-exempt sa mandatory military service.

Gayunman, mahalagang linawin na bagama't may kasaysayan siya ng hypertrophic cardiomyopathy at iniulat na atake sa puso ang sanhi ng kaniyang pagkamatay, hindi pa partikular na nakumpirma na ang dati niyang kondisyon sa puso ang direktang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

‘Hindi pa dapat siya nagpapaalam’

Mas naging mabigat ang balita dahil biglaan ang kaniyang pagpanaw at 44 anyos lamang siya.

Isang kaibigan ni Lee ang nag-anunsyo ng kaniyang pagkamatay sa social media at hiniling sa publiko na alalahanin ang aktor at samahan siya sa huling yugto ng kaniyang buhay.

“I respectfully inform you that my friend Lee Yong-ju has suddenly passed away. I still cannot believe this sudden news. I ask that many of you remember Yong-ju on his final journey together, and pray for his soul with warm hearts,” mababasa sa post ni Lim Eun-ho sa Instagram at Threads.

Marami naman sa mga netizen, lalo na ang fans at supporters niya ang labis na nalungkot sa mga nangyari.

Iniwan ni Lee Yong-ju ang isang karera na nagsimula sa pagmomodelo at humantong sa iba't ibang proyekto sa telebisyon at pelikula. Ngunit para sa maraming Korean viewers, mananatili siyang bahagi ng kanilang alaala bilang ang clumsy at kaibig-ibig na sundalong nagbigay ng katatawanan sa The Blue Tower.