Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang pagtutuloy ng naunsyaming “National Simultaneous Safety Drill” sa mga paaralan sa buong bansa sa darating na Huwebes, Setyembre 3.
Ibinahagi ng DepEd nitong Martes, Setyembre 1, na ang pag-reschedule nila ng drill ay bunga ng kanilang konsultasyon sa Philippine Psychiatric Association (PPA), Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry (PSCAP), at Philippine Pediatric Society (PPS) para masiguradong ang mga protocol sa kaligtasan ay batay sa direktibang “Do No Harm.”
Saad pa ni DepEd Sec. Sonny Angara, bago ang drill, inaatasang magsagawa ng mga paghahanda ang mga lalahok na paaralan.
Kabilang dito ang capacity-building training para sa mga guro at age-appropriate orientation para naman sa mga mag-aaral.
Para naman pagtibayin ang sikolohikal na kahandaan at maiwasan ang anumang pagkagulat, ipinag-utos din ng DepEd sa mga paaralan ang pagbibigay ng paunang abiso sa mga mag-aaral, magulang, at kawani.
Anila pa, kinakailangang kumuha ng mga paaralan ng written permission mula sa mga magulang at pagsang-ayon mula sa mga mag-aaral bago ang pagsasagawa ng drill.
Ang mga mag-aaral na matutukoy na nangangailangan ng karagdagang proteksyon o sakaling humiling ng akomodasyon ang mga magulang nito, ay nararapat na bigyan ng mga ligtas na alternatibong gawain nang walang parusa o diskriminasyon.
Samantala, mahigpit na ipagbabawal ng DepEd sa drill ang mga elementong masyadong makatotohanan o nakapagdudulot ng takot katulad ng simulation ng banta, role-player na nagsisilbing agresor, paggamit ng mga patalim, kunwaring putok ng baril, o mga kunwaring sugatan.
Upang mapanatiling maayos ang kapaligiran, ang mga itinalagang guidance personnel at school health officer ay inaatasang magbigay ng Psychological First Aid (PFA) at debriefing matapos ang drill.
Inaatasan din ng DepEd ang mga paaralan na magtatag ng malinaw na mekanismo ng referral sa DepEd Schools Division Office (SDO), local government unit (LGU), at mga pasilidad ng kalusugan para sa mga mag-aaral na may special needs.