Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang isang lalaking nawawala sa Tarlac River nitong Martes, Setyembre 1, matapos makipag-inuman sa malapit ditong talahiban.
Sa pahayag ng Tarlac local government unit (LGU), ibinahagi nilang bago mag-1:00 ng hapon, nasagip ng Tarlac City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kasama ng lalaking pinaghahanap sa kasalukuyan sa Tarlac River, bandang San Isidro.
Ayon sa kaniya bagama’t nalasing na sila ng kasama niya, napagkasunduan nilang lumangoy sa ilog matapos nilang mag-inuman sa talahiban.
Sa kabila ng patuloy na paghahanap sa kasamang nawawala, mahigpit nang ipinagbabawal ng Tarlac LGU ang paglangoy, pagtawid, at paglapit sa Tarlac River dahil sa panganib na dulot ng masamang panahon at nagpapatuloy na search and rescue operations dito.
“Pakiusap, huwag nang maging matigas ang ulo. Unahin ang kaligtasan. Huwag na nating ilagay sa panganib ang ating sarili at huwag nang dagdagan ang panganib at trabaho ng ating Rescue Team, lalo na’t nagpapatuloy pa ang search and rescue operations,” ani Tarlac LGU.
Matatandaang nito lang ding umaga, narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng isa sa mga biktimang lulan ng sasakyang nahulog sa Tarlac River noong Sabado, Agosto 29, kasunod ng pagbagsak ng Agana Bridge.
Sa kasalukuyan, hinahanap pa rin ng mga awtoridad na ipinagpapatuloy nila ang search and rescue para sa tatlo pang biktimang nawawala.
MAKI-BALITA: PCG, narekober bangkay ng isang biktima ng bumagsak na Agana Bridge; 3 pa ang nawawala