Tahasang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Martes, Setyembre 1, na ang pagseserbisyo raw ay hindi nakikita sa damit, bagkus nakikita sa gawa.
Sinabi niya ito nang siya ay matanong hinggil sa umano’y “perception” ng ibang tao na “insensitive” o “out of touch” daw ang pagsusuot ng ibang mga opisyal ng pamahalaan ng “designer clothes” habang nag-iinspeksyon sa mga lugar na nalubog sa baha dulot ng malalakas na pag-ulan.
“Wala, kasi walang mensahe ang Pangulo patungkol diyan,” saad ni Usec. Castro matapos tanungin kung may mensahe ba ang Malacañang sa Department of Interior and Local Government (DILG) hanggang sa mga lokal na pamahalaan ukol dito.
Aniya, “Ang pagseserbisyo po ay hindi po nakikita sa damit, nakikita po ito sa gawa. Nakikita po ito kung visible ba ‘yong mga leaders at nandidiyan sila para tumulong. Maybe, sasabihin ng iba, bakit designer clothes pa ang suot, but sabi nga natin, hindi po nakikita ang pagtulong, ang serbisyong totoo, sa damit ng isang lider.”
“Mas maganda po…mayroon pong mga iba napakasimple nang dating—T-shirt, pants, ‘yong iba nagpapaulan pa—pero wala namang natutulong. So, mas maganda po na tingnan ang lider sa trabaho, sa gawa, hindi po sa damit,” dagdag pa niya.
Kaugnay sa nasabing usapin, natanong din ang press officer hinggil sa Republic Act (RA) No. 6713, o ang "Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”
“Hindi po ako makakatugon sa mga opisyal na gumagamit ng mga branded na damit. Pero alam naman nila, kung ano ba ang dapat na ikilos, at kung paano dapat makisalamuha sa ating mga kababayan,” anang press officer.
Giit niya, “‘Di natin alam kung ang pagsusuot ng branded na ‘yan ay mura na sa kanila, so depende, depende sa kanila. Baka ‘yan ay…kung sa atin na ordinaryong tao ay napakamahal, baka sa kanila ay mura lang ‘yan dahil ‘yan ang kanilang nakagawian.”
“But still, siguro, kailangan din maging sensitive kasi lalong-lalo na kung ‘yang mga kababayan natin ay nakakaramdam ng hirap, trauma, at kalungkutan,” pagtatapos ni Usec. Castro.