Nagbigay ng reaksiyon si Miss Universe Philippines 2026 Bea Milan Windorski sa tila pang-aabusong ginawa ng ilang awtoridad sa isang senior citizen na kasama sa isinagawang anti-mining protest sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa Facebook account ni Bea, makikitang ibinahagi niya nitong Martes, Setyembre 1, ang video mula kay “Nhe Riz” kung saan mapapanood na isang opisyal ang nagbuhos ng tubig sa isang matandang nahimatay umano.
“Kaya pala [basang-basa ‘yong] damit bnuhusan pala nila ng tubig. [‘Yong] hiyaw ng anak [niya nagmamakaawa] kasi [naaawa] sa nanay [niya wala kayong pakialam],” saad ni Nhe Riz.
Sabi naman ni Bea, “Where is our respect for our farmers who feed the nation? Our indigenous people who have stewarded our land for generations?”
“Our elders who try their best to imbue their wisdom? Do we forget basic respect, dignity, and our humanity when profit is involved,” dugtong pa niya.
Samantala, sinubukan naman ng Balita na hingin ang panig ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) kaugnay sa sinabi ni Miss Universe Philippines 2026 sa trato ng ilang awtoridad sa naturang indibidwal na kasapi ng isinagawang protesta sa lugar.
Ngunit sa isang pahayag na inilabas ng NVPPO nito ring Martes, sinabi nilang nagsagawa sila ng serye ng engagement activities na naglalayong maisulong ang pagkakaunawaan, at matugunan ang mga isyung idinadaing ng publiko, gayundin ang pagpapalakas sa police-community relations.