September 01, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 23-anyos na Pinoy, kasama sa board of trustees ng Princeton University!

#BalitaExclusives: 23-anyos na Pinoy, kasama sa board of trustees ng Princeton University!
Photo courtesy: Enzo Miguel Kho, Princeton University (FB)

Nakaka-proud talaga kapag may mga Pilipinong nagtatagumpay at kinikilala ng ibang lahi sa ibang bansa!

Kagaya na lamang ng 23-anyos na Pilipinong si Enzo Miguel Kho matapos siyang mahalal bilang Young Alumni Trustee ng prestihiyosong Princeton University sa Estados Unidos.

Si Kho, na tubong Dumaguete, ay kabilang sa walong bagong miyembro ng Board of Trustees ng Princeton sa New Jersey, US na nagsimula ang termino noong Hulyo 1, 2026.

Siya ang napili ng junior at senior undergraduate classes at ng dalawang pinakabagong alumni classes para magsilbi ng apat na taon bilang young alumni trustee.

Sa kaniyang social media post, ipinahayag ni Kho ang pasasalamat sa pagkakataong ipagpatuloy ang kaniyang paglilingkod sa Princeton.

Human-Interest

ALAMIN: Saan nagmula ang pangalan ng buwang 'September?'

“Grateful to continue serving Princeton over the next four years—and to be working alongside such an amazing group of individuals," aniya sa kaniyang post.

Mula Pilipinas, naging young leader sa Princeton

Ayon sa website ng Princeton University na inilathala noong Hunyo 26, 2026, nagtapos si Kho sa Princeton noong 2026 ng Bachelor’s degree in Sociology at Certificate in Urban Studies. Sa apat na taon niya sa unibersidad, naging pangulo siya ng Undergraduate Student Government (USG) at naging aktibo sa iba't ibang organisasyon at programang pangkomunidad.

Kabilang sa kaniyang mga naging tungkulin ang pagiging peer career adviser sa Center for Career Development, community action fellow at executive board member ng Student Volunteers Council sa Pace Center for Civic Engagement, community outreach coordinator ng Princeton Filipino Community, at student coordinator sa Office of International Programs.

Bukod sa akademiko at community work, naging bahagi rin siya ng mga performance group na diSiac, Triple 8 at Black Arts Company.

Hindi rin sa loob lamang ng Princeton umikot ang adbokasiya ni Kho. Siya ang co-founder ng Alliance of Empowered Youth (ALLEY) Philippines, isang nonprofit na nag-uugnay sa mga kabataan mula sa rural communities sa iba't ibang oportunidad sa bansa.

‘Princeton transformed my life trajectory’

Sa kaniyang kandidatura bilang Young Alumni Trustee, ibinahagi ni Kho na dumating siya sa Princeton matapos maranasan ng kaniyang pamilya ang political violence sa Pilipinas—isang karanasang nakaapekto umano sa direksiyon ng kaniyang buhay at lalong nagpalalim sa kaniyang commitment sa public service.

“Princeton transformed my life trajectory in ways that are often out of reach for people from backgrounds like mine," aniya.

Bilang trustee, nais niyang maging tulay sa iba't ibang pananaw at mabigyang-puwang ang mga boses na madalas hindi napapakinggan.

Susunod na hakbang: Peking University

Hindi rin rito nagtatapos ang academic journey ni Kho.

Sa kaniyang post, inanunsyo niyang lilipat siya sa Beijing, China, ngayong taglagas upang maging Yenching Scholar sa Peking University, kung saan kukuha siya ng master's degree sa Politics and International Relations.

“As I navigate a career focused on Southeast Asia, I believe there is a growing need to better understand China and its expanding influence across the region," aniya.

Kinumpirma rin ng Princeton na magsisimula si Kho ng master's degree sa Peking University bilang Yenching Scholar. Nakalista rin siya ngayon sa Princeton's current Board of Trustees bilang graduate student sa Peking University.

‘Napakaraming talented sa mga Pilipino'

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kho, nagbigay siya ng mensahe sa mga kapwa Filipino professionals na patuloy na umuunlad at nagtatagumpay sa ibang bansa.

“I hope we can continue using our platform to bring different perspectives and more voices to the table. At the end of the day, it’s also about thinking how we can give back to the Philippines and the communities we come from.”

Para kay Kho, hindi lamang personal na tagumpay ang pag-abot sa mga posisyon at oportunidad sa ibang bansa. Mahalaga rin daw gamitin ang mga platform na ito upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa kapwa Pilipino at makapagpatayo ng mga tulay o ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo.

“There is so much talent and potential in our community, and hopefully we can continue creating opportunities for one another and building bridges between the Philippines and the world," aniya.

Mula sa Pilipinas hanggang Princeton at ngayon ay patungong Beijing, patuloy na pinalalawak ni Kho ang kaniyang karanasan sa pamumuno, edukasyon, youth development at international affairs—bitbit ang layuning mas maunawaan ang rehiyon at balang araw ay magamit ang kaniyang mga natutuhan para sa kapwa Pilipino.

Congratulations, Enzo!