Ngayong Martes, Setyembre 1, ay ganap at opisyal nang sumapit sa Pilipinas ang buwang Setyembre, ang ikasiyam na buwan ng taon sa Gregorian calendar.
Kung titingnan ang kalendaryo, nararapat nang pilasin ang pahinang nagsasabing Agosto, at simulan nang tingnan ang para sa Setyembre.
Pero kung iisipin, saan nga ba nagmula ang terminong “September?”
Batay sa pinagmulan ng pangalan ng ilang buwan, ayon sa Encyclopedia Britannica, ang ilan sa mga ito ay nanggaling sa ngalan ng mga prominenteng tao sa kasaysayan.
Halimbawa, ang “January” ay nagmula sa ngalan ni “Janus,” ang “ancient Roman god of all beginnings.” Kaya pala ito ang tila pambungad na buwan sa pagpasok ng taon.
Nariyan din ang “July,” na kinuha ang pangalan mula kay Roman general at statesman na si Julius Caesar; pati na rin ang katatapos lamang na “August,” na galing naman sa unang Roman emperor na si “Augustus Caesar.”
Ngunit iba ang kaso para sa Setyembre, sapagkat may kinalaman ang kasalukuyang ngalan nito sa posisyon ng buwan na ito sa kalendaryo.
Ayon pa rin sa pakahulugang ibinahagi ng Encycopedia Britannica, ang “September” ay ang ikasiyam na buwan ng taon sa Gregorian calendar.
Ang pangalan nito ay nagmula sa Latin word na “septem,” na nangangahulugang “seven,” indikasyon ng position nito sa early Roman calendar.
Kung ikasiyam na buwan ng taon ang September, bakit ang kahulugan nito sa Latin ay seven?
Ayon sa Old Farmer’s Almanac, may kinalaman ang dalawang calendar system na nabanggit ukol sa pangalan ng nasabing buwan.
Sa Gregorian calendar—isang solar dating system na ginagamit ngayon na pinasinaya ni Pope Gregory XIII noong 1582 bilang kapalit sa “Julian calendar”—ang September ay ikasiyam, ngunit hindi sa early Roman calendar.
Sa early Roman calendar kasi, ikapito naman ang September, sapagkat sa dating system na ito, nagsisimula ang taon sa buwan ng March, hindi sa January.
Sa sistemang ito, 10 lamang ang buwan, ngunit noong napalitan na ito ng Julian calendar, nadagdag na ang January at February.
Dahil sa karagdagang ito, nabago ang posisyon ng mga buwan, kabilang na ang Setyembre—na mula sa ikapito, ay naging ikasiyam na.
Hanggang sa napalitan ulit ito ng Gregorian system, ngunit pinanatili na lamang ang ngalan nitong September—kahit pa galing ang pangalan nito sa Latin word na “septem” o seven.