Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang patuloy na paglilingkod na hatid ng mga bayani sa sambayanan sa kasalukuyan, bilang bahagi ng paggunita ng National Heroes Day ngayong Lunes, Agosto 31.
Sa pangunguna ni PBBM sa observance ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, inalala niya ang mga naging sakripisyo ng mga bayani para sa bansa at sa taumbayan.
“As we celebrate National Heroes Day, we honor the Filipinos who gave their courage, their strength, and in some cases their lives for the freedom and dignity of our nation. We remember the heroes whose names are written in our history; and others whose sacrifices were known only to their families and their communities,” panimula ni PBBM.
Aniya, “Filipinos from different walks of life sacrifice their safety, their comfort, and their lives to raise a young republic that would nurture future generations; and some who during the war guarded their communities, healed the wounded, and assisted the revolutionaries.”
“These heroes kept the flame of the revolution alive through their support for the republic. They did their part each day so that we could enjoy our freedom day,” dagdag pa niya.
Anang Pangulo, sa kasalukuyan ay nariyan ang mga bayaning Overseas Filipino Workers (OFWs), mga guro, pulis, at iba pa, upang magsilbi sa bayan.
“While not all of them will be immortalized in letters, stone, or metal, we dedicate this day each year to remember their contributions to our country’s freedom and independence. But the national heroes day also offers an invitation to look beyond the pages of history. After all, the spirit of heroism lives on because every generation gives it a new face,” anang Pangulo.
Giit niya, “Sa kasalukuyan, may mga bayaning patuloy na naglilingkod sa sambayanan. Nariyan ang ating mga OFW na malayo sa kaniyang tahanan ngunit nagsisikap araw-araw para sa pag-unlad ng kaniyang pamilya, at ng kaniyang bayan. Nandiyan ang mga bumbero, mga pulis, sundalo emergency responder na unang sumasaklolo sa ating mga kababayang nahaharap sa panganib.”
“Nariyan ang gurong tumatawid ng ilog at umaakyat ng bundok upang makapagbigay ng kaalaman at magandang kinabukasan sa kaniyang mga estudyante. Nariyan ang mga healthcare worker, sa kabila ng hirap at layo ay nagbibigay-aruga sa mga may sakit na kapus-palad. Nariyan ang mga ama’t ina o kaya naman mga tumatayong padre de pamilya, na walang tigil ang pagtatrabaho upang mabigyan ng mas maginhawang buhay ang kanilang minamahal sa buhay,” dagdag pa niya.
Nabanggit din ni PBBM ang ilang ahensya ng pamahalaan na tuloy ang serbisyo upang mapanatili ang karapatan at interes ng Pilipinas.
“Nariyan ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources—kasama ang ating mga mangingisda—na nasa unahan ng pagpoprotekta sa ating mga karapatan, kabuhayan, at pambansang interes sa West Philippine Sea. Ilan lamang sila sa maraming mukha ng kabayanihan sa ating panahon; sapagkat sa iba’t ibang paraan, at sa bawat pagkakataon, may mga Pilipinong patuloy na nagsasakripisyo, naglilingkod, at gumagawa ng kabutihan para sa kapwa, para sa bayan,” ani PBBM.
Sa huli, binigyang-diin ng Pangulo ang pagiging karapat-dapat ng bansa na ipaglaban, at ng mga Pilipino para paglingkuran.
“Sapagkat ang tibay ng ating panindigan bilang bansa ay nagsisimula sa lalim ng ating kaalaman at lakas ng ating pagkakabuklod-buklod bilang isang bayan. Magkakaiba man ang ating pamamaraan, iisa ang mensahe ng mga ito. Ang Pilipinas ay karapat-dapat na ipaglaban. Ang bawat Pilipino ay karapat-dapat na paglingkuran. Ang ating soberanya ay karapat-dapat na ipagtanggol,” anang Pangulo.
Aniya, “Ganito natin binibigyan ng mukha ang kabayanihan sa ating panahon—sa pagkikilala sa ating bayan, sa pagtataguyod sa mga karapatan nito, at sa paggawa ng ating responsibilidad upang manatiling matatag, malaya, at nagkakaisa ang Pilipinas.”
“Together, let us shape a Bagong Pilipinas whose people stand firm against all form of pressure, where institution serve with integrity and sovereignty remains secured for generations to come. Maraming salamat po, mabuhay ang mga bayaning Pilipino! Mabuhay ang Bagong Pilipinas,” pagtatapos ni PBBM.